CALAPAN CITY, ORIENTAL MINDORO — Isang malaking hakbang ang isinagawa ng Oriental Mindoro para tuluyang maging regional sports hub matapos ang matagumpay na Oriental Mindoro Sports and Youth Summit.
Pinangunahan ng Philippine Sports Commission (PSC) at pamahalaang panlalawigan ang pagbuo ng mga plano para sa sports development na nakatuon sa pasilidad, grassroots program at kapakanan ng kabataan.
Inilatag ni PSC Chairman Patrick Gregorio ang mga proyektong magpapalakas sa sports program ng lalawigan.
Sa tulong ng PSC at World Archery Philippines, magkakaroon ng one-hectare archery training at competition facility sa loob ng Oriental Mindoro Sports Complex sa Naujan, sa lupang ipinagkaloob ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Itatayo rin ang football pitch sa gitna ng track and field oval sa pakikipagtulungan ng Philippine Football Federation at FIFA.
Aabot sa P50 milyon ang pinagsamang halaga ng archery range at football pitch na ibibigay ng PSC.
Binigyang-diin ni Gregorio ang kanyang adhikaing “From Grassroots to Gold, From Gold to Greatness,” kung saan hindi lamang pagtuklas ng talento ang layunin kundi ang paghubog dito sa mismong komunidad ng mga atleta.
“We are building regional training centers all over the country so that athletes can train and compete in their regions without having to uproot themselves and move to Manila. Development must be accessible, and excellence must be cultivated where athletes live and dream,” ani Gregorio.
Para naman kay Dolor, higit pa sa pagkamit ng medalya ang sports dahil nagsisilbi itong paraan upang mahubog ang pagkatao at mapanatili ang pagkakaisa sa komunidad.
“There’s no fight in sports. Every time there’s a big game, there’s zero crime. In sports, everybody is peaceful. I see sports as an investment to develop our people not only physically but mentally and emotionally,” ani Dolor.
Dagdag pa niya, katumbas na halaga ng pondong ilalaan ng PSC at national government ang itutustos ng lalawigan para matiyak ang maayos at tuluyang pagkumpleto ng mga sports facility.
Sa ilalim ng administrasyon ni Dolor, nakapagtayo na ang Oriental Mindoro ng 27 bagong gymnasium at naipaayos ang 57 iba pa, na nagbibigay ng mas maraming lugar para sa ensayo at kompetisyon.
Umaabot naman sa P500,000 ang cash incentive para sa mga gold medalist ng national tournaments.
Bunga nito, lumobo sa 3,300 student-athletes ang sports delegation ng lalawigan noong 2026 at nakapag-uwi ng 348 medalya sa MIMAROPA Regional Athletic Association meet—malaking dagdag mula sa 64 medalya noong 2024 at 207 noong 2025.
“Sports is a vehicle that makes people’s lives worth living. Everybody wins, nobody loses,” ani Dolor.
Tumaas din ang bilang ng mga kinatawan ng Oriental Mindoro sa Palarong Pambansa—112 qualifiers noong 2026 mula sa 45 noong 2023.
Sa Batang Pinoy Games 2025, umabot sa 90 delegado ang lalawigan, kumpara sa 32 lamang noong 2023.
Samantala, nag-turn over ang PSC ng mga bagong kagamitan para sa table tennis, badminton, basketball, volleyball at football upang mas mapalakas ang grassroots training ng mga batang atleta.
Inihayag din ni Dolor ang plano para sa swimming pool, softball at baseball fields sa Naujan sports complex bilang bahagi ng mas komprehensibong sports infrastructure ng lalawigan.
Patuloy rin ang pagsuporta ng Oriental Mindoro sa inter-collegiate at inter-town tournaments na nagsisilbing daan sa pagtuklas ng mga bagong talento.
Ipinaalala naman ni Oriental Mindoro Chief of Staff Nette Dela Cruz-Dalupan ang pagkakakilanlan ng lalawigan sa pamamagitan ng “Mahal Tana”—na kumakatawan sa Mangyan, Halcon, Tamaraw at Naujan Lake.
Samantala, binigyang-diin ni Gregorio na nakasentro ang direksyon ng PSC sa tatlong pangunahing layunin: kapakanan ng mga atleta, pagtatayo ng sports facilities at sports tourism.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita sa summit sina PSC Commissioner Fritz Gaston, National Academy of Sports Executive Director Francis Carlos Diaz, PSC Chief of Staff Prof. Louise Jashil Sonido, beteranong sports journalist June Navarro, Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) President Marcus Manalo at Prof. Jocel Regino ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHINADO).
Tinalakay nila ang iba’t ibang usapin tulad ng pag-angat ng grassroots athletes tungo sa elite level, athlete-centered coaching, paggamit ng social media sa sports promotion, responsableng sports reporting, sports psychology at anti-doping education.
Sa mensaheng “Play true, play clean,” iginiit ni Regino ang kahalagahan ng integridad at malinis na kompetisyon sa bawat antas ng sports.
Para kay Gregorio, grassroots development ang pundasyon ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang pangarap.
“Grassroots programs must be the foundation, but they cannot remain the ceiling. Our challenge is to transform local talent into national champions, and national champions into global contenders.”
Layunin ng Oriental Mindoro at PSC na gawing daan ang sports hindi lamang sa pagkamit ng medalya kundi sa paghubog ng kabataan, pag-unlad ng komunidad at pagpapalakas ng turismo at ekonomiya ng lalawigan. (PSC/HNT)
