MANILA — Nanawagan ang advocacy group IMK Leni sa administrasyong Marcos at mga lider ng Kongreso na ibalik sa pangunahing legislative priorities ng pamahalaan ang panukalang CADENA Act, upang mapalakas ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa ipinarating na pahayag sa HATAW ng iMk Leni, nanawagan ang grupo sa pagbibitiw ni Development Planning Secretary Arsenio Balisacan kasunod ng palitan nila ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa isang Senate briefing hinggil sa mga prayoridad na panukalang batas ng pamahalaan.
Kinuwestiyon ng grupo kung bakit hindi na kabilang ang CADENA Act sa pinaikling listahan ng mga panukalang batas na itinuturing na prayoridad sa susunod na 12 buwan.
Ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na tinatawag ding “Blockchain the Budget” bill, ay naglalayong magtatag ng digital platform kung saan maaaring maging publicly accessible at traceable ang mga dokumento kaugnay ng pambansang badyet at paggasta ng pamahalaan, kabilang ang mga kontrata, project costs at procurement records.
Naipasa na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1506 noong Disyembre 2025, paglalahad ni Elmer Argaño, Secretary General ng iMk LENI.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) noong 27 Agosto, kinuwestiyon ni Aquino kung bakit hindi kabilang ang CADENA sa pinaikling listahan ng priority measures.
Ayon sa mga naunang ulat, dating kabilang ang panukala sa mga pangunahing LEDAC priorities ngunit nasa No. 41 na ngayon sa mas mahabang listahan.
Ipinaliwanag naman ni Balisacan na hindi tuluyang inalis ang CADENA sa LEDAC list; kabilang pa rin ito sa mas mahabang talaan ngunit hindi sa pinaikling listahan ng mga panukalang bibigyan ng pangunahing atensiyon sa susunod na 12 buwan.
Iginiit kamakailan ni Bam Aquino na dapat umusad agad ang CADENA dahil nakapasa na ito sa Senado at maaari nang aksiyonan ng Kamara.
Bunsod into ipinanawagan ng IMK Leni kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Speaker Faustino “Bojie” Dy III, at Senate President Sherwin Gatchalian na ibalik ang CADENA sa mga pangunahing batas na dapat unahing ipasa.
Sinabi ni Argaño, mahalaga ang panukala upang magkaroon ang publiko ng mas malinaw na paraan upang masubaybayan kung saan napupunta ang bawat pisong ginagastos ng pamahalaan, lalo na sa gitna ng mga kontrobersiya kaugnay ng paggamit ng pondo para sa mga impraestruktura at flood-control projects.
Binigyang-diin din ng grupo na ang panawagan nito ay hindi lamang simpleng pagsuporta sa isang panukalang batas na isinusulong ni Aquino kundi bahagi ng mas malawak na panawagan para sa mas mahigpit na mekanismo laban sa maling paggamit ng pondo ng bayan.
Nananatiling nakabinbin sa House of Representatives ang CADENA Act. Sa mga nakaraang linggo, paulit-ulit na nanawagan si Aquino sa Kamara na aksiyonan ang panukala. (TEDDY BRUL)
