2 suspek sa masaker ng mag-asawang senior citizen at apo, timbog

NADAKIP ng pulisya ang dalawa sa tatlong suspek sa pagmasaker sa mag-asawang senior citizen at 4-anyos apo sa Barangay Daine 1, Indang, lalawigan ng Cavite.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng mga operatiba ng Indang Police Station, dalawa ang nasakote ng pulisya na sinasabing responsable sa karumal-dumal na krimen habang isa pa nilang kasama ang pinaghahanap.

Kapwa sinampahan ng kasong mutiple murder ang mga nadakip na suspek na sina alyas Alexis, 25 anyos, at alyas Kulot, 36 anyos.

Sinabi ni Col. Ariel Red, Cavite police director, ang isa sa mga suspek ay agad nadakip sa kanyang pinagtataguan noong araw ng krimen makaraang positibong kinilala ng saksi na isa sa mga umatake sa mag-asawa at apo.

Ang suspek na si alyas Alexis, magsasaka, ay nadakip sa follow-up operation sa Trece Martires City, Cavite, kahapon.

Ani Red, tinitingnan ng mga imbestigador na isang lumang alitan at mainit na pagtatalo sa pagitan ng mga suspek at mga biktima tungkol sa isyu ng ingay sa Karaoke noong okasyon ng kaarawan bilang motibo sa pagpatay.

Dagdag ni Red, si alyas Alexis ay may nakabinbing criminal offense na carnapping sa Naic, Cavite at nakalaya noong 2 Marso 2017.

Noong Martes ng gabi, pinagbabaril ang bahay na kinaroroonan mag-asawang 63 at 62-anyos, kasama ang kanilang apo, ng mga armadong kalalakihan sa Sitio Buho, Barangay Daine 1, Indang, Cavite.

Ang mga biktima ay isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. Pitong bala ang bumaon sa lolo, apat sa lola, habang dalawang bala ang tumama sa apo kabilang ang tama sa bandang ulo.