NAREKOBER ng mga awtoridad ang mga iniwang mga tabla mula sa ilegal na pagtotroso sa bayan ng Baler, lalawigan ng Aurora, nitong Linggo ng umaga, 28 Hunyo.
Isinagawa ang police operation kaugnay sa Anti- Illegal Logging (PD 705) ng mga tauhan ng Aurora 1st Provincial Mobile Force Company sa Brgy. Zabali, sa nabanggit na bayan, dakong 11:00 ng umaga kamakalawa.
Sa inilatag na operasyon ng mga awtoridad, nabawi ang 12 piraso ng tablang mula sa puno ng Yakal at limang piraso ng tablang mula sa puno ng Lawaan na may sukat na halos 203 board feet, at tinatayang nagkakahalaga ng P14,210.
Ikinasa ang operasyon sa pangangasiwa ni P/Lt. Col. Bartolome Antolin, acting force Commander, at ang mga narekober na kahoy ay dinala sa CENRO Dingalan Office para sa tamang disposisyon alinsunod sa umiiral na mga batas sa kagubatan.
Ayon kay P/Lt. Col. Antolin, ang kanilang walang tigil na pagsisikap sa pagprotekta sa mga kagubatan ay sumasalamin sa kanilang tungkulin na itaguyod ang batas at tiyakin ang kagalingan ng mga komunidad.
Aniya, ang bawat matagumpay na operasyon ay nagpapatibay sa kanilang pangako na pangalagaan ang mga likas na yaman ng Aurora. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com