NADAKIP ng mga awtoridad dahil sa isang tip mula sa isang nagmamalasakit na mamamayan ang isang wanted person na nahaharap sa kasong Statutory Rape sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Bulacan, wala pang kalahating araw matapos makarating ang impormasyon sa PRO3.
Isinagawa ang operasyon dakong 5:00 ng hapon, noong Biyernes, 26 Hunyo, ng magkasanib na pagsisikap ng Regional Special Operations Group 3–Regional Intelligence Division (RSOG3-RID), ng PRO3 Cyber Patrol ng Regional Intelligence Division, at ng Sta. Maria MPS.
Nang matanggap ang ulat, agad ibineripika ng operating unit ang impormasyon, kabilang ang online at social media intelligence gathering, na nagbigay-daan sa kanila upang matukoy at matagpuan ang akusado.
Batay sa beripikadong impormasyon, naglunsad ang pangkat ng isang manhunt operation na nagresulta sa matagumpay na paghahatid ng warrant of arrest para sa dalawang bilang ng kasong Statutory Rape na inisyu ng Angeles City, Pampanga RTC Branch 61, na walang inirerekomendang piyansa.
Samantala, pinuri ni P/BGen. Jess Mendez, regional director ng PRO3, ang operating unit para sa kanilang mabilis at koordinadong pagtugon at binigyang-diin ang mahalagang papel ng publiko sa pagsuporta sa mga pagsisikap sa pagpapatupad ng batas. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com