SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
IBA talaga kapag Coco Martin ang nagbida sa isang action series samahan mo pa ng magaling sa drama na si Julia Montes. At kapag sinabing Coco, asahan ang matinding aksiyon.
At iyon nga ang napanood namin noong Lunes sa special screening ng Coco Martin’s Sigabo sa 14th flr Preview Room ng ABS-CBN. Hard action kung hard action. Na parang nanonood ka ng Hollywood movie. Iba ka talaga C oco!
Kaya hindi rin nakapagtataka kung salubungin siya ng mga Kapamilya executive after ng screening para sa Cast Grand Welcome sa Executive Lobby.
Talaga namang napakainit ng pagsalubong kina Coco at Julia gayundin sa napakaraming cast ng Sigabo. Siksikan, hiyawan, at deadma sa init ang mga naghintay para masilayan ang CocoJul.
Sa totoo lang na-enjoy namin ang panonood na bukod sa action hinaluan din ng komedya at siyempre ang kilig moment ng CocoJul. At nakatutuwang maraming artistang kasama sa action-serye ang nagbalik-telebisyon.
Ginagampanan ni Coco ang papel ni Gabo, isang tapat na anak at ex-convict na nagsasagawa ng isang lihim na misyon kapalit ng kanyang kalayaan. Si Julia naman si Sam, isang abogado at investigative agent.
Kaya buhay na buhay na naman ang telebisyon sa pagbabalik ni Coco matapos subaybayan ng sambayanang Filipino ang unang episode ng pinakaaabangang seryeng Coco Martin’s Sigabo na nakakuha ng 404,124 peak concurrent viewers sa YouTube noon ding Lunes (Hunyo 22), kaya todo ang pasasalamat ng aktor sa pagsasama-sama ng ABS-CBN, ALLTV2, A2Z, at TV5 para sa mga manonood.
“Grateful kasi nandito lahat. Nagsama-sama, nagtulong-tulong. Hindi ko ma-imagine na pupunta rito ang TV5, ALLTV2, at A2Z. Kasi ang ibig sabihin nito, isinisigaw natin sa buong Pilipinas na dapat magtulong-tulong tayo at magsuportahan para rito sa ‘Sigabo,’” saad ni Coco sa ginanap na special screening na dinaluhan ng mga cast member, empleado, at executives ng iba’t ibang TV networks.
Proud din si Julia sa bago nilang handog sa mga Filipino at sinabing, “Ito na ‘yung produkto na mapapanood ng mga tao at para siyang pelikula. Lagi naman sinasabi ng ABS-CBN na ‘in the service of the Filipino.’ Ang pinaka-importante ay nagsama-sama ang lahat.”
Kasama rin sa Sigabo sina JC De Vera, JM De Guzman, Arci Muñoz, Sue Ramirez, Jhong Hilario, Edu Manzano, Carmi Martin, Chanda Romero, Irma Adlawan, Joey Marquez at marami pang iba.
“Sobra akong proud na proud sa project na ito, kasi from ‘Probinsyano’ to ‘Batang Quiapo’ talagang in-upgrade namin,” sabi pa ni Coco ukol sa serye na kauna-unahan niyang original concept.
Damang-dama naman ang sigabo ng pagmamahal para sa Hari ng Aksyon sa ating henerasyon matapos umani ng magandang reaksiyon mula sa mga manonood ang maaksiyon at nakaka-good vibes na episode na ipinalabas sa iba’t ibang TV at online platform.
Ayon naman sa cast, pang-international ang dekalibreng serye ni Coco dahil sa mala-pelikulang action shots na nagpapakita ng husay at talento ng mga Filipino.
Bukod sa makapigil-hiningang bakbakan, pumatok din sa netizens ang nakakikilig na tambalan ng CocoJul matapos ang hindi inaasahang halikan nina Gabo (Coco) at Sam (Julia) kasunod ng matinding engkwentro ng kanilang mga karakter.
Kasabay ng paglulunsad ng kanilang pinakabagong serye, nagkaroon ng Kapamilya cast welcome sa ABS-CBN na masayang binati ng mga executive at empleado sina Coco, Julia, buong cast, gayundin ang mga direktor at production staff.
Bongga rin ang pagsalubong sa serye matapos magkaroon si Yeng Constantino ng special live performance ng theme song sa ginanap na screening. Umabot din sa online viewers ang selebrasyon dahil game na game ring nakipag-chikahan ang ilang cast members tungkol sa serye sa isang espesyal na online gap show sa Kapamilya Online Live.
Mula online hanggang sa mga kalye, ramdam ang suporta mula sa mga Kapamilya sa iba’t ibang panig ng bansa na dumadagsa sa mala-piyestang nationwide motorcade ng Sigabo para masilayan ang cast ng serye sa pangunguna ng CocoJul. Dapat naman abangan ang pagbisita nila sa Pampanga sa Hunyo 28.
Ang maganda pa, mas maraming Filipino na ang makakapanood ng Coco Martin’s Sigabo sa iba’t ibang platforms na available Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant. Napapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com