INARESTO ang dalawang aktibong pulis na may magkahiwalay na kaso ng rape at domestic violence sa Taguig at Davao del Norte, batay sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr.
Ayon kay Nartatez, ipinakikita ng PNP na ang internal cleansing ay agresibong ipinatutupad at dapat magsilbing babala sa hanay ng pulisya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa gabay ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
“Let these simultaneous arrests serve as a stern warning that our badge and our uniform will never be a shield against the law, and the Philippine National Police will aggressively hunt down anyone within our ranks who believes they can evade accountability,” ani Nartatez.
Ang inaresto ay isang Police Master Sergeant na nakatalaga sa Presidential Security and Protection Group (PSPG) na dinakip sa Quezon City noong 20 Hunyo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Taguig City Regional Trial Court Branch 267 sa kasong rape, at walang piyansang inirerekomenda.
Masusi ang naging pagmamanman ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa naturang pulis sa pamamagitan ng COPLAN Bangketa dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na gawain at paggamit ng ilegal na droga.
Ang ikalawa ay isang patrolman na nakatalaga sa Office of the Regional Police Records Management Division – Regional Personnel Holding and Accounting Section ng Police Regional Office 11.
Dinakip ang akusado sa Sto. Tomas, Davao del Norte, kaugnay sa dalawang kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act) o pisikal at mental na pananakit sa kanyang misis, na may inirekomendang piyansang P72,000 at P6,000.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com