Monday , December 23 2024

Ang pinsala ni Yolanda ay hindi mareresolba sa tit for tat na propaganda

00 Bulabugin JSY

IMBES pasalamatan si CNN reporter Anderson Cooper sa kanyang pag-uulat sa tunay na kalagayan ng mga kababayan natin sa Tacloban, ‘e nagbalat-sibuyas si Ms. Korina Sanchez at nagpakataklesang sinabi na, “Itong si Anderson Cooper, sabi wala (daw) government presence sa Tacloban. Mukhang hindi niya alam ang sinasabi niya. (This Anderson Cooper, he said there is no government presence in Tacloban. It seems he doesn’t know what he is saying.)”

Hindi natin alam kung nasa stage of denial pa si Ms. Korina Sanchez dahil bilang Filipino ay hindi pa rin ba niya matanggap ang naganap sa Tacloban?!

O talagang gusto lang niyang i-DENY ang tunay na sitwasyon sa Tacloban dahil naroroon ang kanyang esposo na si SILG Mar Roxas at ayaw niyang magkaroon ng imahe na ‘inutil’ bilang isa sa mga nangungunang lider ng bansa.

Bilang isang mamamahayag (anchor-commentator-news reader) hindi dapat ganito ang naging reaksiyon ni Ms. Korina.

Sa isang sitwasyong gaya ng nangyayari ngayon sa Tacloban, kailangan ng mga nasa pamahalaan ang isang mapagkakatiwalaang source gaya ng ginagawang pag-uulat ni Cooper.

Hindi ba isang positibong bagay na nalaman nila kay Cooper kung ano ang tunay na sitwasyon sa Tacloban at kung ano ang tingin ngayon ng mga biktima/survivor, ng buong bansa at ng international community sa gobyerno at sa administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III?!

Ang isang FACTUAL NEWS STORY ay dapat bang sagutin ng isang REAKSIYONG PIKON?!

Totoong dapat tayong magkaisa, at iyon ang nangyayari ngayon. Maraming tumutulong sa abot ng kanilang makakaya, kaya nga tanong ng maraming nagtataka, bakit hanggang ngayon ay sandamakmak ang nagrereklamong mga biktima/survivors na tila wala pa rin nakararating sa kanilang tulong?

Nang magdeklara ng State of National Calamity si PNoy, inasahan natin na magiging mabilis na nga ang pagtulong. Pero lumalabas lang na hungkag ang State of National Calamity na ‘yan dahil hindi naman nailinaw kung ano ang papel ng bawat pangunahing ahensiya ng pamahalaan para bumilis ang pagtugon sa EMERGENCY SITUATION ng mga nasalanta.

Yes, dear readers, hanggang ngayon po ay hilahod pang makatugon sa ‘emergency situation’ (anim na araw na po mula nang manalanta si Yolanda – Nobyembre 8) ang ‘state of national calamity’ ni PNoy.

Kung seryoso ang ‘state of national calamity’ ni PNoy dapat ‘e doon na mismo sila sa lugar (Tacloban) nag-CABINET MEETING o kahit sa CEBU man lang para mas malapit na sila sa Tacloban. Mas mabilis na ang magiging pagtugon.

Uulitin ko po, EMERGENCY SITUATION pa lang ito. Hindi pa po ito ‘yung rebuilding, rehabilitation at restoration.

Ibig sabihin po natin ng emergency ‘e ‘yung saan pansamantalang dadalhin ang mga tao habang nililinis ang kontaminadong lugar (‘yung kinaroroonan ng mga hindi pa nalilinis na mga bangkay) at kung paano ihahatid sa huling hantungan ang mga namatay na biktima, identified man o hindi.

Paano ipo-provide ang pagkain at inumin sa araw-araw ng mga survivor. Saan gagawin ang stressed debriefing para sa mga naulila lalo na sa hanay ng mga bata, mga babae at matatanda.

At paano sila tutulungan sa rekonstruksiyon ng kanilang mga tahanan. ‘Yan po ang ‘emergency situation’

Dumating na ang iba’t ibang tulong mula sa Tzu Chi Foundation, US, Japan, UK, Turkey, France … at dumarami pa ang darating … pero hindi pa nakapag-uumpisa ang ‘state of national calamity’ ni PNoy.

Mauunahan pa siya ng mga international aid.

Ms. Korina, ‘yan ‘lang’ ang ibig sabihin ng ULAT ni COOPER.

Mas maigi pa siguro na bigyan mo ng inspirasyon si SILG Mar para naman bumilis ang kanilang AKSYON kaysa makipagsagutan ka kay Cooper.

Hindi makukuha sa TIT FOR TAT na propaganda ang pagpapaganda ng imahe ng iyong ESPOSO at ng administrasyon ni PNOY.

Kapag nakita at naramdaman na ng mga SURVIVOR ang sinasabi ninyong may GINAGAWA ang GOBYERNONG ito, ‘yun na ‘yun.

Hindi ninyo masisisi si COOPER nang iulat niyang, “no real evidence of organized recovery or relief effort coming from the Philippine government …” at tapusin ang kanyang report sa … “Here, misery is beyond meaning,” dahil marami nang nakitang ganito si COOPER sa ibang bansa pero mabilis ang aksyon ng gobyerno.

Paalala lang din sa administrasyon, huwag ninyong awatin ang mga nagsasalita, magtrabaho at kumilos na lang kayo para maging positibo ang feedback sa inyo.

Tama kayo, kailangan natin magtulungan, pero bilang nasa pamahalaan kayo ang dapat manguna at dapat ay nasa inyo ang SENTRO NG COMMAND.

D’yan ninyo palabasin ang galing ni Secretary Roland Llamas!

 ‘ORGANISADONG KOTONG’ SA DIVISORIA VENDORS NI KONSEHAL DENNIS ALCORIZA?

SA ilalim ng United Street Vendors of Divisoria Association, Inc., (USVDAI) gustong gawing lehitimo ni Konsehal Dennis ang ‘organisadong kotong’ daw sa mga vendor.

Hindi natin alam kung ang organisasyong ito ay rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC), sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at bakit tila pinalulutang na ito ay nakakabit sa Manila City Hall?

Isa pang tanong, ang pagbubuo ba ng USVDAI ay may pangkalahatang consensus ng mga vendor sa Divisoria?

Nagkaroon ba ng general assembly ang mga vendor sa Divisoria para makita nila ang pangangailangan na bumuo sila ng organisasyon?!

Kung rehistrado sa SEC ang USVDAI, sino-sino ang mga opisyal nito?!

Vendor ba si Konsehal Dennis Alcoriza para pangunahan ang pag-oorganisa ng USVDAI na ‘yan?!

O ito ay isang paraan para MAIMBUDO ang P150 daily ‘KOTONG’ ‘este’ membership fees sa mga vendor?!

Kapag miyembro ba ng USVDAI ay hindi na magbibigay ng TONG sa PULIS, HAWKERS at sa DPS?!

Bakit walang RESIBO ang USVDAI na ibinibigay sa mga vendor? Papasok ba ito sa kaban ng City Hall? May MOA o City Ordinance ba para sa pagbubuo ng USVDAI?

Higit sa lahat, sino ba ‘yang isang JIMMY SORIANO na siya umanong namimigay at nangangalap ng application forms para maging kasapi nito?!

LIBRE ba ang maging miyembro ng USVDAI?!

Mga tanong ‘yan mula sa mga VENDOR na dapat ninyong sagutin … proteksiyon ba talaga ‘yang USVDAI para sa mga vendor?

O organisadong  kotong laban sa mga vendor?!

Pakisagot lang po!

FAIRY TALE CLUB MAY POKPOKAN NA MAY POKER-AN PA

NITONG nakaraang gabi ay sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Fairy Tale Club (formerly Infiniti 8 Club) sa Roxas Blvd., Pasay  City dahil sa paglabag sa PD 1602.

Bukod pala sa ‘pokpokan’ ay mayroon din POKER room sa Fairy Tale Club.

Arestado ang isang bigtime financier na kung tawagin ay BIG MIKE pero ang isang Mr. Marcos ay  nakapiglas.

Naroon din umano ang Pasay bagman na si ALLAN ASPILETA para kumuha ng TARA pero matulin ding nakalusot sa mga taga-NBI.

Umabot sa walong (8) jeep na puno ng mga babae at isang minor na GRO ang na-rescue. Lahat sila ay dinala sa NBI Headquarters.

Mabuti naman at na-raid ng NBI ‘yang CLUB na may pokpokan na may poker-an pa.

Buenas ka pa rin Bagman ALLAN ASPILETA at nakapuslit ka.

Sana next time, matiyempohan ka na!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *