PUKPUKAN ang labanan sa katatapos na Preliminary Competition ng Mister at Miss Lipa Tourism 2026 na ginanap noong Linggo, June 14, 2026 sa Aquamarine Recreational Center, Lipa City.
Sampung lalaki at 10 babae ang naglalaban-laban para sa korona na bawat isa ay talagang nagpakita ng galing sa pagsagot sa Question and Answer at Cultural Costume. May kabuuang 30 porsiyento ang kukunin dito pagdating sa Final Competition o ang Grand Coronation Night sa June 20, 2026, Sabado, 6:00 p.m. sa Plaza Independencia, Lipa City.
Isa ang inyong lingkod sa mga naging hurado sa Preliminary Competition kasama sina Jhobes Estrella(fashion designer), Carl Santiago (Lakan ng Laguna 2026), Liana Barrido (Miss Tourism International 2024), Adam Balasa (Batangas Finest Fashion Designer), Dinah Maravilla (VP Lipa City Tourism Council), at Maritess Jumarang (PRO Lipas City Tourism Council/President PCCI Lipa Chapter).
Ang maging hurado sa isang beauty pageant ay may halong empowerment, responsibilidad, at matinding pressure. Isa rin itong kapana-panabik na karanasan at ang makakita ng mga kalahok na nagbibigay ng magagandang sagot mula sa aming katanungan gayundin ang paglalakad ng may kompiyansa sa kanilang swimwear ay tunay na kasiya-siya. Maraming salamat sa experience.
At bago sumalang ang inyong lingkod sa paghuhurado, ipinasyal muna kami ni Joel Umali Pena kasama sina Willy Ong at Carina Martinez sa ilang magagandang lugar sa Lipa City, Batangas.
Sa totoo lang, lagi naming nilu-look forward ang pamamasyal sa Lipa dahil lagi kaming nagugulat at talagang nabibighani sa mga lugar na pinagdadalhan sa amin.
Una kaming nagtungo sa Hermanos Taco Shop (authentic Mexican restaurant) sa may Westgate Center, Alabang na pag-aari ng mag-asawang Bimbo at Rose Bautista. Si Bimbo ay dating miyembro ng That’s Entertainment at matagumpay sa kanilang restaurant business. Pagkaraan ay sa bagong branch ng Ijo Bakery sa Molito Lifestyle Center, Alabang na ang main branch ay nasa Big Ben Complex sa Lipa City. Tulad sa Lipa, grabeng tinatangkilik din ang Ijo Bakery sa Alabang dahil sa kanilang expertly crafted croissants. Kaya hindi nakapagtataka na maging ang mag-asawang Richardat Lucy Torres-Gomez at iba pang prominenteng personalidad ay nagtungo pa ng Lipa para bumili. Mayroon na rin silang branch sa Sta. Rosa Laguna at Batangas City.
At dahil Presidente ng Lipa Tourism Council si Joel, iginagala talaga niya kami sa mga naggagandahan lugar sa Batangas lalo sa Lipa. Dinala rin niya kami sa Anya Resort Tagaytay na tamang-tama dahil may glass exhibit ng kanyang mga obra ang vibrant crystal sculptures ang premyadong artist na si Ramon Orlina.
Pinuntahan din namin ang Summit Ridge Hotel Tagaytay para mag-coffee. Roon ay nadatnan namin ang mga obrang Sacred Devotions ni Yvette Floro.
Kinabukasan itinuloy namin ang pamamasyal. First stop namin ay sa Ilog Maria Honey Bee Farms sa Silang Cavite. Roon ay nakita namin ang authentic honey gayundin ang iba’t ibang klase ng sabon, oil, candle at iba’t ibang produkto na lahat ay natural. Nananghalian kami sa Mikabelle Catering Events Services na talaga namang napakasasarap ng pagkain. No wonder sila ang suki sa mga napupuntahan naming malaking pagtitipon. Pangalawang beses na namin natikman ang luto ni Ms Maritess Jumarang, may-ari, na siya ring caterer sa isinagawang Sebastian The Musical, isang special theatrical stage place na dedicated sa life, faith, at courage ni San Sebastian, ang Patron Saint ng Lipa.
Nagpunta rin kami sa Eco Hotels Philippines sa Mataas na Kahoy na talaga namang kung naghahanap ka ng tahimik na lugar at gustong magpahinga na walang aabala, rito mo matatagpuan na bukod sa naggagandahan nilang villa, masarap din ang pagkain.
Pagkaraan ay nagtungo kami sa D’Baristroe, Sosyal Place para i-meet ang mga kandidata ng Mister at Miss Lipa Tourism na nagsasagawa ng Sponsor Visit. Nauna na nilang pinuntahan ang Big Ben Complex na parte rin ng journey ng mga kandidata sa patuloy nilang pagdadala ng pride, beauty, at spirit ng Lipa City. Pinuntahan din namin ang LiMa Park sa Lipa, Malvar Batangas. Napakaganda at napakalaki ng lugar na ito na matatagpuan ang napakaraming outlet kaya sa mga mahihilig mag-shopping, tamang-tama ang lugar na ito. Kompleto kasi ang mga outlet ng sapatos, damit, sports equipment at iba pa isama pa ang napakaraming restoran na panalo tiyak ang mga tiyan kapag nagutom na sa pamimili.
Hindi rin nakaligtas sa aming pamamasyal ang Moon Coffee sa Bulacnin, at Pango branch, Lipa City na trending coffee shop dahil sa kanilang al fresco dining na kakaiba. Sino ba naman ang hindi masisiyahan na kitang-kita ang paglubog ng araw habang nagkakape. Nariyan din ang famous lomi sa AA’s Lomi na talaga namang dinarayo kahit nasa isang subdivision sa Lipa at ang Base Cafe Steakhouse +Bar na tinatangkilik din kahit nasa loob ng isang subdivision.
Sa kabilang banda, sa June 20, Sabado na magaganap ang Grand Coronation Night ng Mister & Miss Lipa Tourism 2026. Sino kaya ang magwawaging Mister Lipa Tourism 2026 kina Marlo Anthony Parco, Vincent Emmanuel Sayas, Mohammad Reza Junior Gholami, Justine Velasquez, John Emmanuel Macasaet, Kenzo Guillermo, Johan Miguel Pinon, Glen Wendel Masupil, Ghenno Camacho, atJoma Edd Polega?
Sino naman sa sampung nagggandahang kandidata ang kokoronahan bilang Miss Lipa Tourism 2026–Danelle Erich Lee Rodelas, Allyza Joyce Lescano, Chloe Andrea delos Santos, Tania Endozo, Frances Isabel Macatangay, Kate Danielle Morales, Princess Lyka Virrey, Felyciti Claire Marin, Precious Fajardo, at Ma. Erica Valenzuela.
Ang Mister & Miss Lipa Tourism ay initiative ng Local Government Unit ng Lipa City sa leadership at support nina Mayor Eric Africa, Councilor Venice Manalo (Committee Chairperson on Tourism), Joel Pena (President of Lipa City Tourism Council), at Aylene Acorda (OIC Tourism Officer).
Kaya huwag kalilimutan ang Grand Coronation Night para matunghayan kung sino ang papalit kina Kurt Michael Aguilar ng Brgy Bagong Pook at Joey Anne Chavez ng Brgy Sampaguita, Mr & Ms Lipa Tourism 2025. Sino kaya sa 20 kandidata ang kokoronahan bilang Faces of Lipa at Voices of Tourism? Abangan. (Maricris Valdez)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com