ANG tiwala ng publiko ay hindi nabubuo sa pamamagitan ng mga islogan. Unti-unti itong pinaghihirapan at mabilis ding nawawala kapag nasira. Kaya mahalagang tingnan hindi lamang ang mga pangako ng isang institusyon kundi ang mga ginagawa nito.
Ito ang dahilan kung bakit kapansin-pansin ang mga nangyayari ngayon sa Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Mula nang maupo bilang Chief PNP, isinulong ni General Nartatez ang propesyonalismo, pananagutan, at serbisyo bilang pangunahing direksiyon ng organisasyon. Ito ang diwa ng Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman — isang layuning hindi lamang dapat marinig ng publiko kundi maramdaman sa aktuwal na serbisyo.
Isa sa pinakamalinaw na halimbawa nito ang pag-aresto sa nahatulang dating pulis na si Rafael Dumlao III kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo. Mahalaga ang kasong ito hindi lamang dahil sa naging hatol, kundi dahil ipinakita nitong walang ranggo o dating posisyon na maaaring maging panangga laban sa batas.
Kasabay nito, pinaigting din ng PNP ang paglilinis sa sarili nitong hanay. Mahigit 1,500 tauhan ang napatawan ng iba’t ibang parusa nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang daan-daang natanggal sa serbisyo. Hindi ito mga bilang na dapat ipagdiwang, ngunit ipinapakita nito ang kahandaang harapin ang mga problema sa loob ng organisasyon sa halip na itago ang mga ito.
Sa ilalim ng pamumuno ni General Nartatez, ang pananagutan ay hindi nanatili sa mga pahayag at talumpati. Nakikita ito sa pagresolba ng mga kasong administratibo, pagpapalakas ng mga mekanismo ng pangangasiwa, at pagsisikap na tiyaking may pananagutan ang sinumang lumalabag sa itinakdang pamantayan.
Hindi rin napabayaan ang operasyon laban sa kriminalidad. Isa sa mga pinakamalalaking tagumpay ang pagkakahatol sa isang Canadian national na inuugnay sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang 1.4 toneladang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱9.68 bilyon sa Batangas. Higit pa sa laki ng nakumpiskang droga, ipinakita ng kasong ito ang kahalagahan ng masusing imbestigasyon at matibay na case build-up upang matiyak na nauuwi sa hatol ang mga malalaking operasyon.
Ngunit ang tungkulin ng pulisya ay hindi lamang nasusukat sa mga operasyon laban sa krimen.
Nang tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao, libu-libong pulis ang agad na tumulong sa search and rescue operations, pamamahagi ng ayuda, pagbabantay sa mga evacuation center, at pagpapanumbalik ng kaayusan sa mga apektadong lugar. Ang ilan sa kanila ay nagpatuloy sa pagtupad ng tungkulin kahit naapektuhan mismo ang kanilang mga himpilan.
Dito makikita na ang pananagutan, serbisyo, at resulta ay hindi magkakahiwalay na kuwento. Bahagi sila ng iisang layunin: ang pagbuo ng isang institusyong may integridad, may kakayahang maghatid ng resulta, at handang tumugon kapag kailangan ng mamamayan.
Marami pang hamon ang kinakaharap ng PNP, at walang sinuman ang magpapanggap na wala. Ngunit ang tunay na sukatan ng pamumuno ay hindi ang kawalan ng problema kundi ang kahandaang harapin at resolbahin ang mga ito.
Sa ilalim ni General Nartatez, dumarami ang mga palatandaang ipinatutupad ang pananagutan, isinusulong ang mga reporma, at naihahatid ang mga resulta. Malayo pa ang lalakbayin, ngunit malinaw ang direksiyon. At para sa isang publikong matagal nang naging mapanuri sa mga institusyon, hindi iyon maliit na bagay. (BONG SON)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com