CANDON CITY — Ipinagpatuloy ng nagdedepensang kampeon na Vietnam ang kanilang dominasyon sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Volleyball Cup matapos tambakan ang Hong Kong, 25-9, 25-18, 25-11, noong Linggo sa Candon City Arena.
Nagtala si Thi Nhu Quynh Vi ng 11 puntos, lahat mula sa mga atake, upang patatagin ng Vietnam ang kanilang paghawak sa liderato ng Group B kasunod ng kanilang straight-sets na panalo laban sa Lebanon sa kanilang unang laro.
Samantala, sa aksiyon ng Pool A, matagumpay na nagbukas ng kampanya ang Chinese Taipei sa pamamagitan ng 25-14, 25-11, 25-17 na pagwawagi laban sa Kyrgyzstan sa torneo na inihandog ng Philippine Sports Commission at ng Lungsod ng Candon sa pangunguna ni Mayor Eric D. Singson.
Lubos na kinontrol ng Vietnam ang laban matapos makapagtala ng 40 attack points kumpara sa 22 ng Hong Kong, habang sinamantala rin nila ang 25 errors ng kalaban.
Nanguna para sa Hong Kong si Sum Yuen Tang na may siyam na puntos, ngunit hindi nito napigilan ang ikalawang sunod nilang pagkatalo.
Susunod na makakaharap ng Vietnam ang Indonesia, habang haharap naman ang Hong Kong sa Lebanon.
Nagpakita ng mas matinding laban ang Kyrgyzstan sa ikalawang set at nakadikit pa sa isang puntos, 8-7, sa mga unang bahagi ng laro. Gayunman, nagpalit lamang ng ritmo ang Chinese Taipei at agad na lumayo, 18-9, bago tuluyang dominahin ang set at ang buong laban.
Susunod na makakalaban ng Chinese Taipei ang Australia, habang sasagupain ng Kyrgyzstan ang Alas Pilipinas. (AVCWCC.)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com