Monday , June 8 2026
DHSUD Pag-IBIG Fund Lipa Batangas 4PH Program

Sa pinalawak na 4PH Program ni PBBM
DHSUD, Pag-IBIG Fund nagkaloob ng mga bahay at lote sa Lipa, Batangas

PATULOY na naghahatid ng bagong tahanan para sa mga pamilyang Filipino ang “Pinalawak na Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na pinangunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Pag-IBIG Fund ang turnover ng mga bahay at lote sa Nuvista Homes Lipa para sa mga miyembro ng ahensiya na kumuha ng housing loan sa naturang proyekto noong 3 Hunyo 2026.

Ang turnover ay kasunod ng mga pagbisita at kahalintulad na aktibidad ng pamahalaan sa mga proyekto ng Expanded 4PH sa Pampanga, Nueva Ecija, Laguna, Bacolod, at iba pang lugar, na nagpapakita ng patuloy na pagpapatupad ng programa sa pabahay sa buong bansa.

Pinangunahan nina DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling at Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta ang inspeksiyon at turnover kasama ang mga opisyal ng P.A. Properties, ang developer ng proyekto. Sa nasabing aktibidad, pormal na tinanggap ng mga benepisyaryo ang susi ng kanilang bagong tahanan.

Ayon kay Aliling, Tagapangulo rin ng Board of Trustees ng Pag-IBIG Fund, ang turnover ay patunay ng matatag na hangarin ng administrasyong Marcos na gawing mas abot-kamay ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa mga manggagawang Filipino at kanilang mga pamilya.

“Ikinagagalak naming iulat na patuloy na nakikinabang ang mas maraming Filipino sa Expanded 4PH Program sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga pamilya na magkaroon ng ligtas, maayos, at abot-kayang tahanan,” ani Aliling. “Sa mas matibay na pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor, natutupad natin ang direktiba ni Pangulong Marcos na gawing realidad ang pangarap ng mas maraming Filipino na magkaroon ng sariling bahay.”

Idinagdag ni Aliling, ang patuloy na pagpapatupad ng Expanded 4PH Program ay nagpapakita na ang direktiba ng Pangulo sa pabahay ay nagiging konkretong tahanan para sa mas maraming Filipino.

“Patuloy nating bibilisan ang paghahatid ng mga pabahay, palalakasin ang mga pakikipagtuwang, at palalawakin ang akses sa pagmamay-ari ng bahay sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” ani Aliling. “Malinaw ang direksiyon na itinakda ni Pangulong Marcos: magtayo nang mas mabilis, maghatid nang mas mahusay na serbisyo, at gawing mas maaabot ang disenteng pabahay para sa mga pamilyang Filipino.”

Ipinahayag ni Aliling, na kamakailan ay nagdiwang ng kanyang unang anibersaryo bilang Kalihim ng DHSUD, nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagpapatuloy ng momentum ng pambansang programa sa pabahay sa pamamagitan ng mas matibay na koordinasyon sa mga pangunahing ahensiya sa pabahay, iba pang sangay ng gobyerno, mga institusyong pampinansiyal, at mga pribadong developer.

Ang Nuvista Homes Lipa, na binuo ng P.A. Properties, ay nag-aalok ng mga bahay at lote sa ilalim ng tatlong modelo—Marya, Yasmin, at Solida—na may presyong mula ₱950,000 hanggang ₱2.2 milyon. Mayroon itong kabuuang 1,160 ready-for-occupancy na yunit at mahigit 2,000 pang yunit na nakatakdang itayo.

Ang socialized housing component ng proyekto ay iniaalok sa pamamagitan ng modelong Solida, ang pinakamurang opsiyon sa proyekto. Sa halagang ₱950,000 at sa benepisyo ng 3% subsidized interest rate sa ilalim ng Expanded 4PH Program, maaaring umabot lamang sa ₱4,005 ang buwanang hulog ng mga kalipikadong mangungutang.

        Itinampok din sa pagbisita ang mas malawak na saklaw ng housing loan programs ng Pag-IBIG Fund para sa iba’t ibang uri ng mamimili ng bahay. Sinuri rin ng mga opisyal ang Idesia, isa pang residential project ng P.A. Properties sa Lipa, na nag-aalok ng mga yunit na nagkakahalaga mula ₱3.5 milyon hanggang ₱7 milyon. Ang mga ito ay maaari nang pondohan sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund matapos itaas ang maximum housing loan amount mula ₱6 milyon tungo sa ₱10 milyon bawat borrower.

Binigyang-diin ni Acosta na patuloy na ginagawa ng Pag-IBIG Fund na mas makatotohanan at abot-kaya ang pagmamay-ari ng bahay para sa mas maraming manggagawang Filipino mula sa iba’t ibang antas ng kita.

“Mas marami nang de-kalidad na pagpipilian sa pabahay ang naibibigay ng Expanded 4PH Program sa mga pamilyang Filipino. Sinusuportahan ito ng Pag-IBIG Fund sa pamamagitan ng mga financing terms na nagpapagaan sa buwanang bayarin,” ani Acosta. “Sa pamamagitan ng aming mga programang pautang sa pabahay, mas nagiging magaan at madaling bayaran ang buwanang amortisasyon upang mas maraming miyembro ang makalapit sa pangarap na magkaroon ng sariling tahanan.”

Aniya, ang mga housing loan program ng Pag-IBIG Fund ay idinisenyo upang matulungan kapwa ang mga pamilyang mababa ang kita na naghahanap ng socialized housing at ang mga manggagawang nasa gitnang antas ng kita na naghahanap ng bahay sa open market.

“Mahalaga sa aming mga miyembro ang bawat pisong natitipid mula sa buwanang hulog sa pabahay. Maaari itong magamit para sa pagkain, edukasyon, koryente at tubig, pangangalagang pangkalusugan, at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya,” dagdag ni Acosta. “Sa pamamagitan ng abot-kayang interes, mas mahabang panahon ng pagbabayad, at buwanang hulog na mas magaan sa badyet ng pamilya, binibigyan ng Pag-IBIG Fund ang mas maraming manggagawang Filipino ng tunay at praktikal na daan tungo sa pagkakaroon ng ligtas at disenteng tahanan.”

Binanggit niya na patuloy na ipinagkakaloob ng Pag-IBIG Fund ang 3% subsidized interest rate para sa mga kalipikadong benepisyaryo ng socialized housing sa ilalim ng Expanded 4PH Program, kasabay ng pagtaas ng maximum housing loan amount sa ₱10 milyon upang mas marami pang manggagawang Filipino ang matulungang magkaroon ng sariling bahay. (30)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Bad Boy 3

Bad Boy 3 ni Robin kontrobersiyal

I-FLEXni Jun Nardo NAGKAROON ng special preview screening kahapon ang pelikulang ginawa ni Senator Robin Padilla na Bad …

Heart Evangelista Chiz Escudero Senate

Heart tahimik sa paglipat ni Chiz sa minorya

I-FLEXni Jun Nardo BIGO kaming makakita ng post sa socmed ni Heart Evangelista bilang reaksiyon sa lipat-minority …

2026 World Slasher Cup 2 Champions

Tatlong Entry Naghari sa 2026 World Slasher Cup 2 Matapos Magtabla sa 8-1 Rekord

TATLONG entry ang itinanghal na kampeon sa 2026 World Slasher Cup 2 matapos magtala ng …

PSC

PSC ginagamit ang kapangyarihan sa pangangasiwa upang tiyakin ang wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan

ANG Philippine Sports Commission (PSC), na itinatag sa bisa ng Republic Act No. 6847, ay …

Kiko Dee Alan Cayetano Robin Padilla Mao Aplasca

Cayetano, Padilla, Aplasca inireklamo ng Obstruction of Justice sa Ombudsman

NAGHAIN ng reklamong Obstruction of Justice sa Office of the Ombudsman ang grupong Tindig Pilipinas …