
HATAW News Team
MARIING kinondena ng Philippine Sanjia Steel Corporation ang isinagawang raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI), at tinawag itong isang ‘manufactured crisis’ na sinabing nakabatay sa hindi beripikadong alegasyon at corporate sabotage.
Ayon sa kompanya, naging isang agresibong operasyon ang dapat sana ay ordinaryong pagsusuri lamang, na nagdulot ng pagkaantala sa legal nitong operasyon at pagkawala ng kabuhayan ng daan-daang empleyado.
“This was not about public safety. This was harassment packaged as law enforcement,” pahayag ng kompanya sa pamamagitan ng legal counsel nitong si Atty. Julia Chu.
Isinagawa ang raid sa 22.7-ektaryang manufacturing facility ng Sanjia Steel sa loob ng PHIVIDEC Industrial Estate sa Tagoloan, Misamis Oriental. Pinangunahan ito ng PAOCC sa ilalim ni Executive Director Undersecretary Benjamin Acorda, Jr.
Ikinatwiran ng PAOCC a sangkot ang planta sa hazardous industrial processing, paggawa ng substandard steel products, at pagkakaroon ng koneksiyon sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ngunit iginiit ng Sanjia Steel na ilegal at hindi naaayon ang paggamit ng search warrants at pagdetine sa kanilang mga empleyado dahil ang mga alegasyon ay administratibo lamang.
“These alleged infractions fall strictly under the regulatory supervision of civilian agencies. Legitimate compliance checks are handled through a standard Notice of Violation (NOV), not by executing criminal search warrants,” paliwanag ni Atty. Chu
Matapos ang raid, ipinasara pansamantala ang planta habang hinihintay ang court proceedings.
Ayon sa kompanya, mahigit 300 manggagawang Filipino ang agad naapektohan at nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng planta.
Nagkaroon na rin ng mga protesta sa ilang bahagi ng Mindanao kung saan humihingi ng agarang pagbubukas muli ng planta ang mga empleyado.
“We demand the immediate reopening of the factory because our Filipino workers are hungry,” ayon sa pahayag ng kompanya.
Kinuwestiyon din ng Sanjia Steel ang alegasyon na gumagawa sila ng substandard steel products, dahil walang kinatawan mula sa Department of Trade and Industry-Bureau of Philippine Standards (DTI-BPS) sa isinagawang inspeksiyon.
Iginiit ng kompanya na pasado sa engineering at structural standards ang kanilang mga produkto at may hawak silang valid Product Standard (PS) certifications.
Tinawag din ng kompanya na “baseless” at “sensationalized” ang alegasyon hinggil sa uranium at toxic nuclear waste.
Ipinaliwanag ng Sanjia Steel na gumagamit sila ng imported Japanese scrap metal na dumaraan sa mahigpit na pagsusuri at sertipikasyon mula sa Japan at DENR.
Nagbabala ang kompanya na maaaring makaapekto sa diplomatic relations ang walang basehang alegasyon tungkol sa radioactive materials mula sa Japan.
Ipinagtanggol din ng Sanjia Steel ang 69 foreign technical specialists na nadetine sa raid, at sinabing sila ay lehitimong engineers na tumutulong sa operasyon ng specialized machinery at technology transfer.
“All foreign personnel hold valid immigration documents and active Alien Employment Permits,” ayon kay Atty. Chu
Inakusahan ng kompanya ang mga awtoridad ng paglabag sa due process matapos harangin ang kanilang legal team na makapasok sa planta sa loob ng halos 24 oras.
Ayon sa Sanjia Steel, nilabag nito ang Article III, Section 12 ng Philippine Constitution dahil hindi nabigyan ng access sa abogado ang mga empleyado at dayuhang technicians.
Kinuwestiyon ng kompanya kung bakit wala sa operasyon ang mga ahensiyang may direktang hurisdiksiyon tulad ng DENR, Bureau of Immigration, at Securities and Exchange Commission.
“These regulatory agencies have direct jurisdiction over the allegations raised during the raid,” dagdag ni Chu.
Itinanggi ng Sanjia Steel ang alegasyon na konektado pa rin ito sa negosyanteng si Tony Yang at iginiit na nakapag-divest na ito batay sa records ng SEC.
Pinabulaanan ng kompanya ang alegasyong may kaugnayan sila sa POGO operations dahil walang nakuhang servers, data hubs, o gaming infrastructure sa isinagawang search.
“We find it deeply troubling that broad and highly publicized allegations were used to justify an operation of this magnitude,” ayon sa legal counsel ng kompanya.
Nanindigan ang Sanjia Steel na lehitimong steel manufacturing operation ang kanilang negosyo at nagdulot ng malaking pinsala sa reputasyon at kabuhayan ng kanilang mga manggagawa, suppliers, at business partners ang mga alegasyon laban sa kanila.
Sa gitna ng kontrobersiya, inianunsiyo rin ng kompanya na mag-iimbita sila ng independent international auditors at Japanese suppliers upang patunayan ang kanilang compliance at operational standards.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com