NASABAT ng mga awtoridad ang kahon ng smuggled cigarettes habang nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint operation sa Brgy. San Nicolas, Bulakan, Bulacan nitong nakaraang Mayo 19, 2026.
Ayon sa ulat ni PLt. Colonel Lynelle F. Solomon, hepe ng Bulakan MPS, kinilala ang naarestong suspek na si alias JC, 25 taong gulang at residente ng Paombong, Bulacan.
Naaresto ang suspek matapos parahin ng mga operatiba ang minamaneho nitong traysikel para sa beripikasyon sa checkpoint operation.
Sa isinagawang inspeksyon, nabigong makapagpakita ang suspek ng kanyang driver’s license at rehistro ng motorsiklo.
Dito nila napansin ang isang bukas na kahon na naglalaman ng mga kaha ng sigarilyo na kalaunan ay natuklasang mga smuggled cigarettes.
Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ang kabuuang 200 reams ng smuggled cigarettes na may tinatayang market value na umaabot sa Php 204,000.00.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at RA 12022.
Muling pinaalala ni PColonel Jay B Baybayan, officer-in-charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy na paiigtingin ng Bulacan PPO ang mga checkpoint operation at kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com