HINDI nakaligtas sa pang-aabuso hanggang mamatay ang isang 3-anyos na batang lalaki matapos na saktan ng sarili niyang lolo sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Pozorrubio, lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa ulat mula sa Pangasinan PPO, naiwan ang 3-anyos bata sa pangangalaga ng kaniyang lolo at lola habang nasa trabaho ang kanyang mga magulang noong 14 Mayo.
Ngunit imbes proteksiyon, trahedya ang inabot ng musmos mula mismo sa taong inaasahang mag-aaruga sa kanya.
Batay sa ulat, pinaniniwalaang paulit-ulit na pinagpapalo ng 57-anyos uspek ang bata gamit ang kawayan at iniuntog pa sa sementadong bahagi ng bahay.
Nagawa pang dalhin ang biktima sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala sa kaniyang ulo.
Sa unang pahayag ng ina, inakala nilang simpleng pagkahulog lamang ang nangyari sa kaniyang anak.
Ngunit lumalim ang imbestigasyon matapos matuklasan ang pananakit ng lolo na naging dahilan ng pagkamatay ng bata.
Tinangka pang tumakas ng suspek ngunit agad din naaresto ng mga awtoridad habang inihahanda ngayon ang kasong parricide laban sa kaniya.
Mariing kinondena ng Pangasinan PPO ang insidente at nangakong pananagutin ang may sala.
Giit nila, kailanman ay hindi dapat binabalewala ang mga senyales ng pang-aabuso laban sa mga bata.
“Ang pananahimik sa pang-aabuso laban sa bata ay maaaring magbunga ng trahedyang hindi na maibabalik,” ayon sa pulisya.
Patuloy na nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na agad magsumbong kapag may nakikitang banta sa kaligtasan ng isang bata upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com