Wednesday , June 10 2026
SASSMA JOSE PANGANIBAN, Camarines Norte Gold Mine
MULA ‘gold rush’ tungo sa pakikibaka para mabuhay: Mga minero sa Camarines Norte, iginigiit ang legal na “Minahang Bayan” para sa kanilang legal na kabuhayan. (Mga kuhang larawan at video ni TEDDY BRUL)

Maliliit na minero sa Jose Panganiban, mula sa ‘gold rush’ lumalaban ngayon para sa karapatan sa kabuhayan

ni TEDDY BRUL

JOSE PANGANIBAN, Camarines Norte — Mahigit 100 pamilya ng maliliit na minero ng ginto ang nananawagan para sa pagtatatag ng legal na “Minahang Bayan” habang kinakaharap nila ang lumalalim na kahirapan, lumiit na pagkakakitaan, at tuluyang pagkakait sa kanilang tradisyonal na kabuhayan.

Ayon kay Dante Manuel Avellana, pangulo ng Sta. Ana Small Scale Mining Association (SASSMA), nagkaisa ang mga lokal na minero bilang tugon sa patuloy na pagbagsak ng kanilang kabuhayan sa Barangay Luklukan Sur.

Ani Avellana, lalong pinahina ang kita ng maliliit na minero nang pasukin ng malalaking kompanya at mayayamang financier ang pagmimina sa lugar — mga grupong may malawak na kapital at kontrol sa operasyon.

May pagmamay-aring halos 22 ektaryang lupain ang kanilang angkan sa Barangay Luklukan Sur at patuloy umano nilang binabayaran ang amilyar nito mula pa noong 1969.

“Ang tiyuhin ko ang nangangasiwa noon sa pagmimina ng mga katutubong minero sa aming lupain at tinitiyak niyang may patas na bahagi ang mga manggagawa,” pagbabalik-tanaw ni Avellana.

Pagsapit ng unang bahagi ng dekada 2020, mabilis na dumami ang populasyon sa Luklukan Sur nang dagsain ito ng mga migranteng minero mula sa iba’t ibang lalawigan upang magtrabaho sa mga operasyong kontrolado umano ng mga financier at makapangyarihang indibiduwal na may basbas o pagpaparaya ng ilang opisyal sa lalawigan.

Sistemang “Financier”

Sa kasalukuyan, kontrolado ng malalaking kompanya at pribadong financier ang malaking bahagi ng pagmimina sa Jose Panganiban.

Sa ilalim ng tinatawag na “financier system,” umaasa ang maliliit na minero sa kapitalista at maykayang negosyante para sa puhunan, kagamitan, at gastusin sa operasyon. Kapalit nito, kontrolado ng financier ang bentahan ng nakukuhang ginto at maging ang takbo ng pagmimina.

Ang ganitong sistema ang matagal nang sentro ng kampanya ng pamahalaan kaugnay ng pagbubuwis at mga usapin sa regulasyong pangkalikasan.

Kabundukan binakuran

Lubhang naapektohan ang kabuhayan ng mga impormal na minero matapos bakuran at kontrolin ng mga kompanya ang malalawak na bahagi ng kagubatan at kabundukang saklaw ng kanilang pagmimina.

Nangangamba ang mga residente na unti-unti silang itinataboy mula sa mga lugar na matagal nang pinagkukuhaan ng kabuhayan ng kanilang komunidad.

Dahil dito, marami sa mga naisantabing minero ang napilitang mamuhay sa “pakutkot” — mano-manong pagsasala sa rumaragasang maputik na tubig upang makakuha ng tira-tirang ginto mula sa mga operasyon ng malalaking minahan sa kabundukan.

Ang Jose Panganiban, na dating kilala bilang Mambulao, ay isa sa pinakamatandang bayang minahan sa Camarines Norte. Napapalibutan ito ng makakapal na kagubatan at kabundukan at matagal nang sentro ng artisanal at small-scale mining mula pa noong panahon bago dumating ang mga mananakop.

Sa kabila ng panganib at kawalan ng katiyakan, nananatiling pangunahing kabuhayan ng maraming residente ng Barangay Luklukan Sur ang small-scale mining, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng ginto na umaabot kamakailan sa ₱8,700 hanggang ₱8,900 kada gramo ng 24-karat gold.

Panunupil at pag-aresto

Kinakaharap din ng mga impormal na minero ang umano’y panggigipit, pag-aresto, at pagkompiska ng kagamitan mula sa mga awtoridad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) dahil sa kawalan ng permit at paggamit umano ng hindi rehistradong kagamitan.

Noong Enero 2026, walong impormal na minero ang inaresto sa Barangay Luklukan Sur dahil umano sa ilegal na pagmimina sa lugar na may mayamang deposito ng ginto, tanso, at bakal.

Ayon sa mga awtoridad, nagsasagawa umano ng operasyon ang mga minero nang walang kaukulang permiso mula sa DENR at MGB.

Panawagan para sa legal na “Minahang Bayan”

Sinabi ni Avellana na kasalukuyan nang inihahanda ng kanilang samahan ang mga kinakailangang dokumento upang matugunan ang rekisitos para sa deklarasyon ng isang “Minahang Bayan” sa ilalim ng Republic Act No. 7076 o People’s Small-Scale Mining Act of 1991.

Iginiit niya na handa ang kanilang organisasyon na sumunod sa umiiral na batas sa pagmimina at wastong pamantayan sa pangangalaga sa kalikasan upang maisulong ang ligtas at responsableng pagmimina.

“Hangad naming maiangat ang kabuhayan ng mga pamilyang minero na ilang salinlahi nang naninirahan sa paligid ng minahan,” ani Avellana.

Sa ilalim ng umiiral na regulasyon, kinakailangan ang paghahain ng petisyon sa Provincial/City Mining Regulatory Board (PMRB) at pag-aproba ng Kalihim ng DENR upang maideklara ang isang Minahang Bayan.

Kabilang sa mga rekisito ang lawak na 1.25 hanggang 20 ektarya, patunay ng pagiging Filipino at pagmamay-ari ng lupa, gayundin ang mga clearance mula sa may-ari ng lupa, National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para sa mga lupang ninuno, at lokal na pamahalaan.

Para sa maraming minero sa Luklukan Sur, ang pagmimina ng ginto ay hindi na lamang simpleng hanapbuhay kundi bahagi na ng kanilang buhay at pakikibaka para mabuhay.

“Ang paghahanap ng ginto ay hindi na lamang kabuhayan para sa amin,” ani ni Armando Realuyo, 74 anyos. “Sa kabila ng banta ng pag-aresto, hirap, at maging kamatayan, ito ang buhay na aming kinagisnan.

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Teddy Brul

Check Also

DPWH Bulacan

Sa maanomalyang flood control projects  
2 Bulacan DPWH Officials sumuko kalaboso na kasama ni Discaya

ni MICKA BAUTISTA DALAWA pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan …

061026 Hataw Frontpage

Pagkalunod sa Aurora kinukuwestiyon ng ina
2 ATENEO STUDENT-ATHLETES PATAY SA TEAM BLDG ACTIVITY

HATAW News Team DALAWANG mahuhusay na basketbolista ng Ateneo de Manila University (AdMU) Men’s Basketball …

MMDA Gabriel Go

MMDA pinalalakas ang clearing operations sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila

TINALAKAY ni MMDA Special Operations Group (SOG) Chief Gabriel Go ang patuloy na pagpapatupad ng …

arrest, posas, fingerprints

5 ‘Gen Z boys’ timbog sa pangmomolestiya ng Columbian tourist

LIMANG kalalakihan ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pangmomolestiya sa isang turistang Colombian national, …

TNVS driver binaril ng pasahero

TNVS driver hinoldap, binoga ng pasahero 

BIGONG makauwi sa kanyang pamilya ang isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver nang holdapin …