ARESTADO ang isang pinaniniwalaang miyembro ng “Sulit Criminal Gang” na nahaharap sa kasong pagpatay sa ikinasang warrant operation ng mga awtoridad sa Brgy. Pagala, lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng hapon, 12 Mayo.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag CPS, kusang sumuko ang 37-anyos na suspek sa tracker team ng Baliwag CPS kasunod ng patuloy na operasyon ng paniktik at koordinasyon kasama ang kaniyang pamilya at mga kasama.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder kaugnay ng isang insidente ng pamamaslang na naganap noong 7 Hunyo, 2025, sa Brgy. Sabang, sa nabanggit na lungsod.
Inilabas ang Warrant of Arrest laban sa suspek ng presiding judge ng Malolos City RTC Branch 9, na may petsang 6 Enero, 2026 nang walang inirekomendang piyansa.
Ayon sa imbestigasyon, sangkot ang Sulit Criminal Gang sa mga operasyon ng ilegal na droga at mga aktibidad ng gun-for-hire sa Baliwag, San Rafael, San Ildefonso, at mga kalapit na lugar sa lalawigan ng Bulacan.
Matapos ang kaniyang pagsuko, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan sa konstitusyon sa isang wikang alam at naiintindihan niya.
Kasalukuyan siyang nasa ilalim ng kustodiya ng Baliwag CPS para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Muling iginiit ni P/Col. Jay Baybayan, officer-in-charge ng Bulacan PPO, na patuloy na paiigtingin ng Bulacan PPO ang kampanya nito laban sa mga kriminal na grupo at iba pang mga elementong walang batas upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com