MATAGUMPAY na nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang aabot sa Php30 milyong halaga ng mga kagamitan at ilegal na produkto matapos isinilbi ng mga operatiba ang isang search warrant sa San Fernando City, Pampanga.
Nanguna sa pagsisilbi ng search warrant na inisyu ng Regional Trial Court sa San Fernando City ang mga tauhan ng CIDG Pampanga Provincial Field Unit, katuwang ang mga regional intelligence units, local police, at iba pang mga regulatory agencies sa isang pasilidad dahil umano sa paglabag sa ilang mga food and drug regulations.
Kabilang sa mga nakumpiska ng mga operatiba ang ilang mga production equipment gaya na lamang ng mga storage tanks, mixing at blending systems, boilers, filtration units, at ilang mga finished food extract products.
“Ang ganitong operasyon ay patunay na tuloy-tuloy ang ating kampanya para protektahan ang publiko. We remain firm but fair in enforcing the law,” pahayag pa ni PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Ang operasyon ay nakaangkla sa PNP Focused Agenda, partikular na sa Enhanced Managing Police Operations, at sa direktiba ni President Ferdinand R. Marcos Jr., na pagtibayin ang lahat ng mga operasyon sa pagbabantay sa mga ilegal na produkto at sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Muli namang pinagtibay ng PNP ang kanilang hangarin na maghatid ng patas na serbisyong pampulisya tungo sa pagkamit ng mga layunin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.” (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com