DALAWANG pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya mula sa Station Drug Enforcement Unit ng Parañaque City Police Station sa isang matagumpay na anti-illegal drug buybust operation sa Barangay Baclaran, Parañaque City.
Kinilala ang mga suspek bilang alyas Muksimin, 27 anyos, nasa kategorya bilang isang high value individual (HVI) at bagong natukoy na drug personality; at isang alyas Jarbby, 22 anyos, nasa kategoryang street-level individual (SLI).
Parehong residente sa Barangay 145, Pasay City ang mga suspek at kasalukuyang walang trabaho.
Ang pagkakaaresto ng dalawang indibiduwal ay nagresulta sa pagkakakompiska ng halos 225 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang may street drug price (SDP) na P1,530,000.
Sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon dakong 3:20 am sa Sta. Rita Extension, Barangay Baclaran, Parañaque City, sa ilalim ng Pre-Operations Control Number 17-00-04212026-001. Ang pangkat ay nag-operate sa ilalim ng pangangasiwa ni PCol. Nicolas Piñon, Chief of Police ng Parañaque City Police Station, kasama ang isang nagpanggap na buyer at mga operatiba.
Ang mga suspek ay naaresto matapos magbenta ng hinihinalang ilegal na droga sa isang undercover police operative. Nakumpiska kay alyas Muksimin ang 212 gramo ng hinihinalang shabu, kasama ang buybust item, na may kabuuang tinatayang halaga na P1,441,600, kasama ang marked money, isang mobile phone, at isang itim na sling bag.
Samantala, si alyas Jarbby ay nasakoteng may hawak na 13 gramo ng hinihinalang shabu, nagkakahalaga ng P88,400.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso na paglabag sa Seksiyon 5 at 11, Artikulo II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa City Prosecutors’ Office ng Parañaque. (NIÑO ACLAN )
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com