NASAKOTE ang tatlong tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buybust operation ng mga operatiba ng Plaridel Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Parulan, Plaridel, Bulacan kamakalawa.
Ayon sa ulat ni PLt. Colonel Restituto E. Granil, acting chief of police ng Plaridel MPS, naganap ang operasyon dakong 12:15 ng madaling araw sa Brgy. Parulan.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Popol, 30 anyos, residente sa Brgy. Parulan, Plaridel; alyas PK, 38, residente sa Brgy. Poblacion, Plaridel; at alyas Monmon, 33, residente sa Brgy. Masuso, Pandi, Bulacan.
Sa isinagawang operasyon, nahuli ang mga suspek matapos magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer kapalit ng buybust money.
Nakompiska sa mga suspek ang tatlong karagdagang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang ma timbang na 3.7 gramo at may Standard Drug Price na P25,160.
Nakuha din mula sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, walang serial number, kargado ng dalawang bala, at isang itim na sling bag na kasalukuyang nasa kustodiya ng Plaridel MPS.
Ang mga nakompiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory at ballistic examination.
Inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26 ng Republic Act 9165 at paglabag sa Republic Act 10591 laban sa mga naarestong suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan.
Pinuri ni PColonel Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba laban sa ilegal na droga at ilegal na armas. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com