ISANG BUNTIS, kasama ang kanyang 11-anyos anak na babae ang namatay nang mahagip ng humaharurot na van, habang sugatan ang pitong kadete sa Bataan, nitong Sabado, 18 Abril 2026.
Sa ulat na nakarating kay Brig. Gen. Jess Mendez, Central Luzon police director, naganap ang insidente sa MAAP Road, Sitio Marina, Barangay Alasasin, bayan ng Mariveles dakong 2:15 ng hapon.
Kinilala ang mga biktimang namatay na sina Katrina, ang buntis na ina, at ang kanyang 11-anyos anak na babae, habang ang mga sugatan ay hindi bababa sa pitong kadete ng MAAP na isinugod sa Mariveles Mental Wellness and General Hospital para magamot.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang mga biktima ay nahagip ng humaharurot na van, isang puting Isuzu closed van, may plakang CAS 1493, minamaneho ng isang Herminio Nicolas, Jr.
Sinabing mabilis na tumatakbo ang nasabing sasakyan nang mabangga nito ang mga biktima na pawang nasa gilid ng kalsada.
Inaresto ng mga nagrespondeng pulis ang driver at inilagay sa kustodiya ng Mariveles Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com