ni MARICRIS VALDEZ
KAHANGA-HANGA ang tapang ng 15 taong gulang na baguhang rapper, si Neeyong na naglunsad ng kanyang musika mula sa ABS-CBN record label StarPop kamakailan na ginanap sa Academy of Rock.
Hindi nagdalawang-isip, bagkus ito pa ang nagsabi sa kanyang ama, isa ring manunulat, kasamahan sa showbiz, at kolumnista rin ng Hataw, Ambet Nabus na ilahad ang masamang pinagdaanang masalimuot na buhay.
“Dumaan ako sa buhay na magulo, buhay na puro bisyo, ‘yung buhay na walang pakialam sa mga tao sa paligid ko. Noong ipinasok ako ng daddy ko sa rehab, doon ko na-realize ang lahat at nakapag-reflect ako nang maayos para baguhin ko ‘yung sarili ko.
“Habang nandoon ako, ibinuhos ko ‘yung mga pinagdaanan ko sa mga isinulat kong kanta,”pagbabahagi ni Neeyong.
At dito nga nabuo ang debut EP niyang Personal Inventory na masasabing naging proseso ng kanyang paggaling mula sa ipinagbabawal na gamot.
Tampok sa Personal Inventory ang limang tracks, ang Yellow Corner, Programa, Recuperation, 9/21, at Neon, na mismong si Neeyon ang nagsulat na ipinrodyus ni Michael Cursebox mula sa supervision StarPop label head, Roque “Rox” Santos.
Ang awiting 9/21 ang nagsisilbing pangunahing track ng EP, na ukol sa kanyang pananaw sa malupit na katotohanang nangyayari sa bansa.
Ginawa ni Neeyong ang kanyang debut sa musika noong 2024 sa empowering single na Agos ng Tugtog, isang kanta ukol sa pagwawalang-bahala sa negativity sa buhay at hayaan ang musika na alisin ang mga alalahanin ng isang tao. Mula noon ay ibinahagi na ng Grade 7 student ng FEU Roosevelt, Cainta, Rizal na rapper ang kanyang talento sa pamamagitan ng mga pagtatanghal sa paaralan at mga guesting sa konsiyerto, na nakakuha ng inspirasyon mula sa mga magagaling na mang-aawit/rapper na tulad nina Gloc 9, Shanti Dope, Flow G, Hellmerry, Eminem, Tupac, Michael Jackson, at Snoop Dogg.
Sa aming pagkakakilala kay Neeyong, isa siyang makulit subalit mabait na bata. Mahilig siyang magluto na sa tuwina’y ipinagmamalaki sa amin ng kanyang amang si Ambet. Katunayan, specialty niya ang sinigang. Pangarap niyang maging sundalo, chef, at basketball star.
Sa mediacon, ibinahagi ni Rox kung paanong nakuha ang atensiyon nila ni Neeyong. “Noong nag-recording kami, na-amaze ako kasi sobra siyang galing. kasi ako ‘yung unang nag-record, nag-produce ng song niya na ‘Agos.’ Dito namin ginawa sa Academy of Rock Studios.
“So noon pa lang nakita ko na, sabi ko, “Mayroon (talento) si Neeyong.”
Kasunod nito’y isang payo pa ang sinabi ni Rox kay Neeyong. “Keep writing your song. keep inspiring people lalong-lalo na ‘yung mga audience mo na sumusuporta sa iyo. So itong ‘Personal Inventory’ na ito na EP na ginawa natin eh very personal sa iyo.
“Keep doing kung ano iyong gusto mong gawin. Congratulations and keep it up,” sabi pa ng label head.
Nang tanungin ang amang si Ambet ukol sa pinagdaanan ng anak, nasabi nitong, “Napakahirap ng proseso. Kasi bilang single parent, kami lang. Sa tulong ng mga minamahal na ninong nakayanan namin.”
Naibahagi pa ni Ambet na siya mismo ang nagdala sa kanyang anak na si Neeyong sa rehab nang malamang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang anak. Masakit man, kailangan niyang gawin iyon para gumaling at madala sa maayos na buhay ang anak.
“Kasi kung hindi ako ipina-rehab ni Daddy, wala po ako rito sa harap ninyo ngayon. Siguro nasa kalsada o natutulog ako sa labas. Sobrang dumi ko, sobrang payat ko. Pero dahil kay Daddy, andito ako, masigla ako at mayroon akong presscon ngayon,” giit pa ni Neeyong na nagpapasalamat sa pagpapa-rehab ng kanyang amang si Ambet sa kanya.
Sa kabila ng hirap na pinagdaanan nilang mag-ama, malaki ang pasasalamat nila sa mga support system na hindi nag-iwan sa kanila, lalo ang StarPop na hindi iniwan si Neeyong kahit naligaw ito ng landas.
“Kasi kung iba-ibang label iyan, sa nangyari sa kanya, iiwanan siya. Kaya nagpapasalamat ako bukod sa suportang moral, nariyan sila lagi. Talagang gusto nilang tulungan si Neeyong. Kaya nga itong pagtitipon na ito, lahat ng narito, ‘yung mga very close sa amin, sa akin, sa anak ko na naka-witness ng naging journey niya at naging journey ko,” wika pa ni Ambet.
Ang debut EP ni Neeyong na Personal Inventory ay nasa music streaming platform na.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com