NAARESTO ng mga operatiba ng mga awtoridad ang dalawang lalaki matapos magsagawa ng operasyon para sa pagsisilbi ng warrant of arrest sa Brgy. Muzon South, City of San Jose del Monte, Bulacan kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina alias “Tope,” 37-anyos, at alias “Edmar,” 33-anyos, kapwa residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ni P/Colonel Reyson M. Bagain, hepe ng SJDM CPS, target ng operasyon si “Tope” na may kasong attempted homicide.
Sa operasyon, sinasabing tumakbo si “Tope” at nagtangkang magtago sa loob ng bahay ni “Edmar,” na sinubukang pigilan ang mga operatiba sa pagpasok dahilan upang maaresto rin ito sa kasong obstruction of justice.
Sa paghalughog sa loob ng bahay, nadiskubre ng mga awtoridad ang dalawang improvised firearms o sumpak at dalawang piraso ng live 12-gauge ammunition.
Agad itong kinumpiska at nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 bukod pa sa obstruction of justice. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com