NAGPAHAYAG ng patuloy na suporta ang Philippine Sports Commission (PSC) sa Philippine Taekwondo Association (PTA) matapos pangunahan ang groundbreaking ceremony para sa itatayong National Taekwondo Center sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex.
Pinangunahan ni PSC chairman Patrick Gregorio ang seremonya para sa bagong training facility na itatayo sa dating kinatatayuan ng lumang PSC Bowling Center. Inaasahang kayang mag-accommodate ng hanggang 100 taekwondo jins araw-araw ang naturang pasilidad.
Dumalo sa okasyon sina PTA president Rafael Alunan III, secretary-general Rocky Samson, PSC commissioners Bong Coo, Fritz Gaston at Walter Torres, kasama ang mga miyembro ng national pool. Nakiisa rin sa programa si Grand Master Hong Sung-Chong, na kinikilalang ama ng Philippine taekwondo.
Ayon kay Gregorio, malaking tulong ang bagong pasilidad upang mas mapalakas ang programa ng taekwondo sa bansa.
“Sa bagong taekwondo center na ito, mas marami tayong maho-host na international tournaments at mas mabibigyan ng exposure ang ating national athletes. Magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa ating sport at sa ating mga atleta,” pahayag ni Gregorio.
Nagpasalamat naman si Alunan sa PSC sa patuloy na suporta at sa mga pagbabagong naisakatuparan sa ilalim ng pamumuno ni Gregorio.
“Patuloy naming palalakasin ang grassroots program ng taekwondo, makapag-produce ng mas maraming champion athletes at makapaghubog ng mga susunod na lider ng sport,” ani Alunan.
Ang bagong pasilidad ay papalit sa lumang bowling center na naging tahanan ng ilang world champions tulad nina Paeng Nepomuceno, Arianne Cerdena at Bong Coo.
“Matapos ang mahigit 20 taon, malapit nang matupad ang ating pangarap na magkaroon ng sariling training center. Maraming salamat sa PSC sa pangunguna sa pagtatayo ng National Taekwondo Center na tugma sa ating bisyon para sa Philippine taekwondo,” dagdag ni Alunan.
Itatayo ang pasilidad sa 1,131 square meter na lupain at magkakaroon ng apat na international championship rings na may seating capacity na 850 para sa mga manonood.
Sinabi rin ni Gregorio na matagal nang kinakailangan ang isang bagong tahanan para sa Philippine taekwondo. Aniya, hindi lamang PSC ang magpopondo sa proyekto dahil sasagutin din ng PTA ang malaking bahagi ng gastusin. Inaasahang matatapos ang konstruksyon bago matapos ang taon.
Magugunitang mula nang maupo si Gregorio bilang PSC chairman noong Hulyo ng nakaraang taon ay isinagawa ang iba’t ibang renovation at upgrade para sa kapakinabangan ng mga national athletes, kabilang ang strength and conditioning centers sa Teachers’ Camp sa Baguio at Philsports Complex, ang pagtatayo ng sports museum sa tulong ni First Lady Liza Araneta Marcos, at ang pagsasaayos ng Rizal Memorial Tennis Center at ng buong Rizal Memorial Sports Complex. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com