ISANG lalaki na sinita sa paglabag sa batas-trapiko ang inaresto matapos manakit at magmura sa mga pulis sa isang checkpoint sa bayan ng Cabiao, Nueva Ecija Linggo ng hapon.
Sa ulat mula kay P/Colonel Heryl “Daguit” L. Bruno, provincial director ng Nueva Ecija PPO, ang suspek, na kinilala bilang isang 32-anyos na residente ng Barangay Maligaya, Cabiao, ay na-flag down sa Oplan Sita ng mga operatiba dahil sa reckless driving.
Sinabi sa ulat na nang tanungin ng mga operatiba ay tumanggi ang suspek na ipakita ang kanyang lisensya sa pagmamaneho at mga kaukulang dokumento, at sa halip ay nagbitiw ng masasamang salita laban sa mga awtoridad.
Nang tangkaing patahimikin ng mga pulis, dito na sinuntok ng suspek si Patrolman Tumibay na katabi ni PSSg Arenas, at pinagpatuloy ang pagmumura sa mga ito kasabay ng mga pagbabanta sa harap ng mga tao.
Matapos ito ay nagtangkang tumakas ang suspek subalit kaagad nasukol at naaresto ng mga operatiba at ikinustodiya sa Cabiao MPS.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga dokumento ng inquest para sa Direct Assault at paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) laban sa suspek.
Ayon kay PColonel Bruno, hinding-hindi nila hahayaan na ang mga pulis ay hindi igalang, hiyain, o saktan habang ginagampanan ang sinumpaang tungkulin. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com