SA KAINITAN ng nagaganap na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa malawakang korupsiyon kaugnay ng ‘ghost’ flood control projects, pumutok ang pagbabago ng liderato matapos paboran at suportahan ng 15 senador si Minority Leader Senator Vicente “Tito” Sotto III para muling pamunuan ang Senado.
‘Kudeta’ ang terminong ginamit sa ‘pagpapatalsik’ sa liderato ni Senador Francis “Chiz” Escudero, na kamakailan ay nahalukay ang donasyong tinanggap mula sa mga contractor.
Pinalitan si Escudero bilang lider ng Senado, 15 buwan matapos mapatalsik ang dating Senate president na si Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri noong Mayo 2024.
Sa pagbabago ng pamumuno sa Senado, nagkaroon ng pagbabago sa komposisyon ng majority at minority bloc.
Sumama kay Sotto ang mga miyembro ng minority group — na bahagi na ngayon ng majority bloc na sina senators Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Loren Legarda, at Zubiri.
Bukod kay Sotto, nahalal na bagong Senate President Pro-Tempore si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na pinalitan si Senador Jinggoy Estrada at si Senador Juan Miguel Zubiri ay nahalal bilang bagong Chairman ng Senate Committee on Rules at Majority Leader kapalit ni Senador Joel Villanueva.
Walang naging kalaban si Sotto matapos hilingin ni Zubiri na ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President.
Mismong si Escudero ang nag-administer ng panunumpa ni Sotto na sinaksihan ng kaniyang mga anak.
Nagpasalamat si Escudero sa lahat ng kanyang kapwa senador sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya noong 19th at 20th Congress.
Ipinagmalaki ni Escudero sa kaniyang pamumuno sa senado ay marami ang nagawa ng kanyang liderato kabilang dito ang paghahayag ng katotohanan ni Navotas Congressman Toby Tiangco at ang pagbibigay testimonya ng mag-asawang Discaya na pangalanan ang mga taong binigyan nila ng mga suhol at salapi.
Samantala, nagpasalamat sina Villanueva at Estrada sa naging tiwala sa kanila ng mga kapwa senador ganoon din si Senador Alan Peter Cayetano na naging bahagi ng mayorya na ngayon ay kaniyang inihayag na maging bahagi ng minorya.
Tiniyak ni Cayetano, sa kabila na siya ay magiging bahagi ng minorya ay handa siyang makipagtulungan sa liderato ng senado at sa mayorya.
Wala pang inihalal na bagong Senate Minority at hindi pa tuluyang batid kung sino-sino ang magiging bahagi ng minorya. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com