RATED R
ni Rommel Gonzales
SA tagal niya sa industriya, halos apat na dekada, sa wakas ay nabigyan si Malou de Guzman ng pagkakataong magbida sa isang pelikula, ang Silay.
“Sinong aayaw doon,” ang tumatawang pakli ni Malou.
“Siyempre tuwang-tuwa po ako, paano ba… masaya ako dahil isang karangalan po iyon, isang, ano ba, ‘pag-affirm, ‘pag-confirm, na tama naman siguro, sa tagal ko, tama naman ang ginagawa ko at may nagtitiwala sa akin para gumanap sa papel na Silay.”
Si Silay ay isang lola, na sa suporta ng apong si Leslie na ginagampanan ni Francine Diaz, ay muling nag-aral sa eskuwelahan ng high school.
Tinanong namin si Malou kung ano ang masasabi niya na isang malaking young actress na tulad ni Francine na support niya sa Silay.
“Malaking kagalakan po iyon sapagkat kung tutuusin… wow!
“Sa edad ko, ‘no? ‘di ba? O ngayon ha, title role,” at muling tumawa si Malou.
“At talagang nagpapasalamat po ako sa pagkakataon and I’m very proud na sa moment na iyon ay kasama ko siya.”
Sa mga paaralan ipalalabas ang Silay na mula sa MACE Ascending Entertainment Productions ni Rachelle Umandap at sa direksiyon ni Greg Colasito.
Nasa cast din sina Ramon Christopher, Yul Servo, Rob Sy, Long Mejia, Krista Miller, Joni Mcnab, Jervin Mendoza, Rain Perez, Emilio Garcia, at introducing naman sina Merab Soriano, Russel Umandap, Pao Umandap, at Jopher Martin.