HINILING ni Senador Francis Tolentino sa Senate Committee on National Defense na imbestigahan ang sinabing wiretapping ng Chinese Embassy sa Maynila sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command.
Sa inihaing Senate Resolution No.1023 ni Tolentino, chairperson ng Senate special committee on maritime and admiralty zones, binigyang-diin nito na labag sa batas, para sa kahit sinong indibiduwal na hindi awtorisado, ang palihim na i-record ang anumang komunikasyon.
Ito ay matapos magbanta ang China noong 7 Mayo na ilalabas ang “transcript at audio recording” ng anila’y phone conversation sa pagitan ng mga opisyal ng China at ni Armed Forces of the Philippines Western Command chief Vice Admiral Alberto Carlos kaugnay sa “new model” sa paghawak ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Tinalakay umano sa recording ang “new model” ng pagpapatrolya sa West Philippine Sea, na sinasabing pinahintulutan ng mga top officers ng Department of National Defense (DND) at AFP, kabilang sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., National Security Adviser Eduardo Año, at AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner.
Dahil dito, nananawagan si Tolentino sa mga awtoridad na bumuo ng mga hakbang upang matukoy ang lawak ng panghihimasok ng China sa mga kritikal na impraestruktura na maaaring makasira sa pambansang seguridad.
Aniya, ang pagsisiyasat ng Senado sa wiretapping ng Chinese Embassy sa Maynila laban sa AFP-WESCOM ng Committee on National Defense ay target na repasohin ang RA No. 4200 gayondin ang mga patakaran at protocol ng mga opisyal ng gobyerno habang nakikipag-deal sa mga foreign officials.
Ngunit sa huli sinabi ni Tolentino, sinoman ang mapatunayan na sangkot sa wiretapping sa mga opisyal at kawani ng embahada ng China ay hindi maaaring patawan ng parusang kulong kundi pagpapatalsik mula sa ating bansa pabalik sa kanilang bansa at ang pagbabawas ng bilang ng kanilang mga empleyado.
Nguniy ayon kay Tolentino, sa sandaling mangyari ito ay mayroong kahaharaping balik ang bansa katulad g nangyari noong sa bansang Australia na binawasan ang kanilang supplies. (NIÑO ACLAN)