MA at PA
ni Rommel Placente
PARA kay Janice de Bellen, wapakels lang siya sa mga artistang hindi marunong bumati sa mga artistang nakakatrabaho nila sa teleserye at pelikula. Hindi big deal para sa kanya kung may mga nakakatrabaho siya na hindi marunong bumati at magbigay-galang sa mga senior star lalo na ‘yung mga kabataang dinadaan-daanan lang siya.
“Dinadaanan ko rin sila. Actually, deadma ako sa ganyan. Ako, deadma. Ayaw ninyo, ayaw ko rin,” ang sabi ni Janice sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz.
Pero may pagbabanta ang award-winning actress sa mga youngstar na makakatrabaho niya in the future.
“Huwag lang silang magkamali sa lines nila. Kailangan kapag magka-eksena kayo, huwag kang magkamali,” ang warning ni Janice.
Natanong din ang aktres kung may mga nakatrabaho na siyang kabataang artista na nakalilimot ng mga dialogue kapag take na.
“Marami! Diyos ko,” mabilis na sagot ni Janice.
Ang ginagawa raw niya sa mga ganitong sitwasyon, ume-exit na lang muna siya.
Tapos sasabihin niya sa production staff, “Dito muna ako, ha? Unahin niyo na muna iyan.’
“Or sasabihin ko sa AD (assistant director), ‘Tawagin ninyo ako ‘pag memorized na niya (dialogue niya),’” sabi pa ni Janice.
Pagsasabihan ba niya ng ganoon ang artista?
“Kung apologetic naman siya, roon ko na lang sa AD sasabihin. Ngayon, kung suplada pa siya, Lord, help me, give me more patience.”
Dagdag ni Janice, “Ako, huwag lang magkamali. Kasi, ‘di ba, tina-try mo naman sila tulungan as much as possible.”
Bwisit na bwisit din si Janice sa mga nagdadala ng cellphone na nakalagay sa bulsa kapag take na nila, “Mahirap kasi ‘yung kaeksena mo may cellphone sa bulsa. Ako, sinasabi ko, ‘Madi-distract ka, eh.’
“Nadi-distract ako kasi, unang-una, maririnig ‘yung vibration sa lapel. Second, magka-cut si Direk. So, uulitin natin ito (eksena),” aniya pa.
Ikinompara pa niya ang mga senior star sa mga batang artista ngayon, “Mas seryoso ang mga tao, mas nag-aaral ng script.”
‘Yung ibang youngstars at mga baguhan daw ay nagba-vlog sa gilid ng set, may nagti-TikTok sa kabilang side at may kausap naman sa cellphone ang iba.