Friday , November 15 2024

Pagpapasara ng POGOs suportado ng PNP

INIHAYAG ni Senador Win Gatchalian, suportado ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatalsik sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa kaya kinakailangan nang tugunan ito ng pamahalaan.

“Nagpapakita lamang ito ng agarang aksiyon upang mapatalsik ang mga kompanya ng POGO,” ani Gatchalian.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at attached agencies, ipinahayag ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda ang kanyang suporta sa pagwawakas ng POGO operations sa bansa.

“Base sa mga krimen na iniulat, ang estadistika ng krimen ay nakaaalarma. Dapat itong i-monitor nang maigi. Kung hindi naman masusubaybayan at mare-regulate nang maayos, mas magandang wala na,” ayon kay Acorda.

Habang ang bilang ng mga krimen na iniuugnay sa mga POGO ay bumababa, ang bilang naman aniya ng mga biktima ay lalong dumarami.

Ayon sa datos ng PNP, may kabuuang 4,039 biktima sa apat na POGO-related crimes sa unang anim na buwan ng taon. Kung ihahambing ito sa datos noong 2022, aniya, mayroon lamang 128 biktima sa 39 naiulat na krimen. “Mas kakaunti nga ang mga krimen pero mas matindi ngayon. Ang pinag-uusapan natin dito ay tungkol sa libo-libong biktima ng human trafficking na ipinilit sa iba’t ibang scamming activities na kalaunan ay nailigtas din. Ang lebel, tindi o intensity, at lawak ng mga krimen ay kapansin-pansin sa taong ito lamang,” ani Gatchalian.

Ayon kay Acorda             , pinaigting ng PNP ang kanilang capacity-building efforts upang labanan ang tumataas na aktibidad ng cybercrime na nauugnay sa mga POGO.

“Sa totoo lang, nakaaalarma ang pagdami ng mga insidente, lalo sa cybercrimes. Kaya naman pinaiigting natin ang pagsasanay, at pinapalakas natin ang kapasidad ng mga lokal na pulis sa pamamagitan ng anti-cybercrime group,” ayon sa PNP Chief.

Bilang chairperson ng Senate committee on ways and means, iginiit ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO operators sa bansa kasunod ng tumataas na bilang ng mga krimen na nauugnay sa industriya kabilang ang human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, pagnanakaw, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, investment scam, cryptocurrency scam, at love scam.

“Nakababahala. Nagdudulot talaga ito ng malaking kahihiyan sa bansa lalo sa international community dahil ang mga biktima ay galing sa iba’t ibang bansa. Walang lugar ang mga POGO sa ating bansa kung ang pagbabasehan ay mga datos. Kung gusto natin ng mapayapang bansa, hindi na dapat manatili pa ang mga POGO rito sa Filipinas,” pagtatapos ni Gatchalian. (NINO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …