BINIGYANG-DIIN ni Kalihim Benjamin “Benhur” balos, Jr. ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kahalagahan ng agarang pagtukoy at pagresolba sa pangunahing isyu ng bansa hinggil sa adiksyon sa droga.
Inihayag niya ito sa ginanap na paglulunsad ng BIDA B.I.K.E.R.S. (Bawal na gamot ay Iwasan, Magandang Kalusugan, Ehersisyo ay ReSponsibilidad Ko) Team Up with Kapitolyo For Life na nagsimula at nagtapos sa Bulacan Sports Complex, Brgy. Bagong Bayan, sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan matapos ang pagsikad sa 20 kilometro na ruta nitong Linggo, 10 Setyembre.
Aniya, karamihan sa mga kriminal na kaso sa bansa may kaugnayan sa ilegal na droga.
“Sa lahat ng mga kasong dinala sa harap ng korte, 60-70% ay may kaugnayan sa droga. Ang droga ay parang puno, kahit putulin mo ang sanga, posible pa rin itong magkaruon ng bagong sanga. Tayo ay tumulong sa pulis, sa PDEA, at sa NBI. Habang hinuhuli nila ang mga sangkot, bago pa ito mapalitan ng iba, tayo ay magtuon na agad sa problema at alamin ang pinagmumulan,” ani Abalos.
Bukod sa laban sa ilegal na droga, sinabi ni Gob. Daniel Fernando na isa din sa pangunahing layunin ng programa ay ang promosyon sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay sa lalawigan at himukin ang mga Bulakenyo na bigyang prayoridad din ang kanilang kalusugan.
“Ang pagpapalaganap ng malusog na pamumuhay ay hindi lamang responsibilidad ng bawat isa, kundi isang layunin ng buong lalawigan. Sa tulong ng BIDA, hinihikayat natin ang ating mga kababayan na maging bahagi ng solusyon sa mga problemang panlipunan gaya ng bawal na gamot at iba pang panganib sa kalusugan,” ani Fernando.
May kabuuang 2,775 siklista mula sa iba’t ibang lungsod at bayan sa Bulacan ang pumadyak at binagtas ang ruta sa mga barangay ng Sta. Cruz at Sta. Rita, Guiguinto; Poblacion, Plaridel; at Mojon, Malolos upang makilahok sa kampanya laban sa ilegal na droga at para sa malusog na pamumuhay.
Dumalo din sa BIDA Bikers Program sina Vice Gov. Alexis Castro, Provincial Administrator Antonette Constantino, BM Romina Fermin, BM Allan Andan, at BM Cezar Mendoza, DILG Usec Atty. Margarita Gutierrez, Usec. Atty. Odilon Pasaraba, Cong. Salvador Pleyto at Cong. Danny Domingo, Malolos City Mayor Christian Natividad, Usec. for Plans, Public Affairs and Communication Margarita Gutierrez, PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., Bulacan PPO Director P/Col. Relly Arnedo, Bulacan BFP Provincial Fire Marshal Supt. Janeth Jusayan, at mga pinuno ng tanggapan at kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.
Maliban sa pagiging bahagi ng Singkaban Festival 2023, inilunsad ang BIDA Bikers Program bilang suporta sa RA 6975 o DILG Act of 1990 na layuning gawing operasyonal at masimulan ang panawagan para sa makabuluhang reporma sa mga pampublikong serbisyong pangkaligtasan ng bansa, lalo na para sa mga unipormadong ahensiya sa ilalim ng DILG. (MICKA BAUTISTA)