AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
PRO-CUSTOMERS at its finest ang maitatawag ko sa ginawa ng More Electric and Power Corporation (MORE Power) na kusang tumawag sa kanilang customers para sabihin na “eligible” sila sa refund ng kanilang bill deposit.
Kung ating matatandaan, ang Franchise Law ng MORE Power na nagseserbisyo sa Iloilo City ay nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, ibig sabihin sa rami ng mga Distribution Utilities (DU) sa bansa o ‘yung mga nagbebenta sa atin ng koryente ay tanging ang MORE Power lang ang sumunod sa itinatakda sa Article 7 ng Magna Carta for Residential Electric Consumers na nagsasaad na ang bill deposit ay kailangan ibalik ng mga DU makalipas ang tatlong taon.
May kondisyon kasi ang pagbabalik ng bill deposit, kailangan ay sakto sa oras magbayad at hindi naputulan ng koryente ang customer.
Sa tingin ko ay maraming nakasusunod sa kondisyon na ito dahil “necessity” ang koryente.
Pero ang tanong nasaan ang bill deposit refund? Hindi naman ibinibigay ng mga DU sa kanilang customers.
Sa aking pagtingin sa website ng ilang DU ang nakasaad ay “A customer who has diligently paid his electric bills on or before its due date for three (3) consecutive years can request for the full refund of his bill deposit. This is done by filing a bill deposit refund application,” so malinaw na hindi ito kusang ibinibigay kundi kailangan mag-apply ang customer.
Eto pa ang nakasaad “To facilitate the bill deposit refund, the account owner should present the original official. If the official receipt cannot be found, an affidavit of loss notarized by a registered attorney should be provided. If the account owner is deceased, the representative should provide a death certificate.””
Marami sa mga customer ay limot na ang refund na ito at marahil nawala na rin ang resibo ng kanilang binayaran na bill deposit.
Kaya naman napabilib ako sa ginawa ng More Power, kauna-unahan ito sa aking pagkakaalam, karamihan sa kanilang tinawagang customer ang nagulat na may ibabalik sa kanilang pera.
Sana ALL ng mga DU ay may ganitong kusa lalo at hindi pare-pareho ang bill deposit, nakadepende ito sa laki ng service load na iyong ini-apply at laki ng iyong konsumo, may ilan na umaabot hanggang P10,000. Sa mga korporasyon at malalaking negosyo ay higit pang mataas, malaking tulong kung ibabalik ito ng mga DU sa panahon ngayon na karamihan sa atin ay ramdam pa rin ang hagupit ng pandemic.
Isa lang ang masasabi ko, maganda ang pamamalakad ng MORE Power, makikita ito sa pahayag pa lang ng kanilang Presidente at CEO na si Roel Castro, ang sinabi nito nang simulan nila ang pagrefund sa kanilang customers, “Since we don’t have any intention to use the money, we do not have the intention to keep the money; we do not have the intention of using it for our operation; why keep it when it is already due for return, for the refund to customers?”
Dito pa lamang ay alam na natin kung bakit ang mga DU ay hindi nagbabalik ng bill deposit ng kanilang customers, marahil ginagamit pa nila ang pera. Abay, Meralco isa ako sa iyong customer na nagbabayad sa tamang oras, asan na ang aking refund!?
Isa pa sa sinabi ni Castro sa naging panayam sa kanya ng mga mamamahayag ay hindi umano nagtatanong ang mga customer sa kanilang bill deposit refund at para sa More Power ay hindi na kailangan magtanong dahil kahit hindi ito hingin sa kanila ay sila na ang nagkukusang magbalik nito.
Kapuri-puri po ang ginagawa ng kompanyang ito na nararapat lamang kilalanin. Atin pong tinatawagan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na gisingin din ang ibang DU, nandito po ang isang kompanya na kayang magbigay ng de kalidad na serbisyo.
Hindi lamang sa pagbabalik-bayad magaling ang MORE Power, dahil lumalabas na nanatiling sila ang may pinakamababang power rates sa buong Visayas at marahil sa buong bansa.