RATED R
ni Rommel Gonzales
SIMULA ngayong Linggo (May 7), mapapanood na ang multi-platform public service ng GMA Public Affairs,ang Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso.
Ang batikang mamamahayag at tinaguriang “Mr. Exclusive” na si Emil Sumangil ang magsisilbing host ng programa.
Labis ang tuwa at pasasalamat ng GMA Public Affairs host para sa bagong oportunidad na ipinagkaloob sa kanya.
“Nag-uumapaw at hindi ko maipaliwanag hanggang sa ngayon ‘yung tuwa at ligaya. Unang-una sa grasya ng Diyos. Pangalawa, sa tiwala na ibinigay ng opisina natin para pangunahan ang pinakabagong public service program ng GMA Network. Ano ang gagawin kong sukli? Gagawin ko ang aking papel. Public service. Walang pansariling interes,” pagbabahagi niya sa interview ng GMANetwork.com.
Ayon kay Emil, para sa programang ito ay personal siyang sasama sa field para sa pagtugon sa mga reklamo at hinaing ng mga mamamayang Filipino.
Ayon pa sa kanya, makikipagtulungan din siya sa mga ahensiya ng gobyerno upang maaksiyonan ang mga problemang kinakaharap ng ating mga kababayan.
“Hindi lang tayo straight newscast ngayon. Makikita niyo po ako na sasama sa mga tinatawag nilang police operation, sa fieldwork para tugunan ang hinaing ng ating mga kababayan. Ako mismo ang mag-eendoso at lalapit sa mga government agencies para sila mismo, ma-feel nila hindi sila nag-iisa sa kanilang problema. Nandyan ang ‘Resibo,’ ang ating programa.”
Lyunin ng Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso ang pagbibigay-daan para mapakinggan ang mga reklamo at hinaing ng ating mga kababayan, ibunyag ang mga ilegal at maling gawain, at lapatan ng agarang aksiyon ang mga problema sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kongkretong solusyon sa mga nararanasan ng mga mamamayang Filipino, sa loob o labas man ng ating bansa.
Abangan ang Resibo: Walang Lusot Ang May Atraso tuwing Linggo simula May 7, 5:00 p.m., sa GMA, GTV, at Super Radyo DZBB. Mapapanood din ito via livestream sa official Facebook page, Youtube channel, at TikTok account ng GMA Public Affairs.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com