Nadakip ang isang babaeng pinaniniwalaang talamak na magnanakaw at may kabi-kabit na warrant of arrest sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado, 1 Abril.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ang suspek na si Daisy Babiera, 26 anyos, at residente ng Brgy. Dicarma, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na matagal nang pinaghahanap ng batas si Babiera para sa 264 bilang ng kasong Qualified Theft at naitala bilang Top 6 Most Wanted Person sa Nueva Ecija.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang akusado ay nagtrabaho sa isang mobile shop kung saan kinulimbat niya ang malaking halaga ng salapi na napagbentahan ng tindahan. (Micka Bautista)