KINALDAG ng PhilHealth ang Metro Manila Development Authority (MMDA), 77-71 upang sementuhan ang No. 4 spot sa pagtatapos ng eliminations round ng 1st UNTV Cup na ginaganap sa Treston Colelge Gym, The Fort, Taguig.
Hindi makalayo ang PhilHealth sa unang tatlong quarters subalit sa final canto ay kumalas sila nang umalagwa ang lamang sa 24 puntos upang ilista ang 3-3 win-loss card at sungkitin ang twice-to-beat advantage sa kanilang fifth place finish.
Kumana ng 23 puntos, 18 rebounds limang blocks at tatlong steals si Alex Noriega para sa PhilHealth habang nakakuha rin siya ng suporta sa opensa kina Carlo Timothy Capati na may 17 points at 10 rebounds at Richard Dominic Hernandez na nagsalpak ng 13 pts.
Pinaghatian nina Maximo Guittap at Alden Nodado ang 26 puntos para sa MMDA na nalaglag sa pang-limang puwesto sa kartang 2-4.
Kasama ng PhilHealth ang No. 3 ranked Armed Forces of the Philippines sa crossover quarterfinals match kung saan ay isang panalo lang ang kailangan nila upang sumampa sa semifinals.
Samantala, winalis ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang anim na laro upang mangibabaw mag-isa sa top spot.
Pinosasan ng PNP ang Congress-LGU, 95-84 upang maghintay na lang ito ng makakalaban sa semis.
Pasok rin ang Judiciary sa semis matapos itarak ang 4-2 karta.
May 4-2 baraha rin ang AFP subalit nakopo ng Judiciary ang No. 2 spot dahil tinalo nila ang una nang magharap sila sa elims.
Maghaharap sa QF crossover ang AFP at ang Congress-LGU sa Linggo ng alas 4 ng hapon habang magkikita muli ang PhilHealth at MMDA sa alas 5 :30.
Ang mananalong teams sa QF ay haharapin sa crossover match ang PNP at Judiciary.
(ARABELA PRINCESS DAWA)