SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PAGKATAPOS ng apat na taong pamamahinga sa telebisyon, muling mapapanood ang versatile television host, endorser, at commercial model na si Mariel Rodriquez-Padilla, dahil pumirma na rin ito sa ALLTV.
Masayang sinalubong si Mariel ni AMBS President Maribeth Tolentino at sinabing tiyak na mas magiging exciting ang panonood sa ALLTV dahil papasok na rin ang misis ni Sen. Robin Padilla bilang TV host at actress sa bago nitong level.
Taong 2016 nang huling mapanood si Mariel bilang host ng Pinoy Big Brother Lucky 7 at noong 2018 sa It’s Showtime.
“Mariel will surely add more fun, and entertainment that every viewer, especially moms, can relate to. We are looking forward to working with you, Mariel. Welcome to your new ALLTV family,” ani Tolentino nang maganap ang pirmahan sa Mella Hotel noong September 8.
Dumalo sa contract signing ni Mariel ang kanyang manager na si Boy Abunda. Present din sina AMBS CFO Maryknoll Zamora, at AMBS general counsel Atty. TJ Mendoza.
“Thank you so much to ALLTV. I am so excited for the many possibilities. Like what Ms. Beth said, ‘Let’s make a beautiful show. Let us make our viewers happy’,” ani Mariel at isinunod ang sinabi ni Tolentinona, “All I want to do is make people happy.”
Nagpahayag din ng excitement si Kuya Boy na siyang nakadiskubre kay Mariel dahil magiging bahagi na ito ng ALLTV.
Nagsimula ang career ni Mariel edad 15 bilang commercial model at ngayo’y misis na ng actor-politician na si Robin. Biniyayaan sila ng dalawang anak, sina Maria Isabella at Maria Gabriella.
Bukod kay Mariel nauna nang pumirma ng kanilang kontrata sina Willie Revillame, Toni Gonzaga, Paul Soriano, Anthony Taberna, at Ciara Sotto.
Bukod dito, nakipagsanib din ang ALLTV sa CNN Philippines para sa pagsasa-ere ng kanilang flagship news program, ang News Night, 6:00 p.m., Monday to Friday.
Eere ang ALLTV simula Sept. 13 na mapapanood sa Channel 2 on free-to-air TV and Planet Cable, Channel 16 on digital TV, and Channel 35 on Cignal TV, at Sky Cable.