MA at PA
ni Rommel Placente
ISA si Nicole Budol, na mas kilala bilang si Hipon, na isang komedyante, sa mga kandidata this year sa Binibining Pilipinas 2022. Ayon kay Hipon, maraming nagba-bash at nagdo-down sa kanya sa ginawa niyang pagsali sa nasabing beauty pageant.
Komedyante lang daw siya at wala namang ganda. Hindi raw siya mananalo o makakakuha ng kahit isang korona sa Binibining Pilipinas.
Ayon kay Hipon, nasasaktan din siya sa ginagawang pagmamaliit sa kanya, pero nagsisilbing inspirasyon ‘yun para mas pag-igihan niya o gawin niya ang lahat, para manalo o makakuha ng isang korona sa Binibining Pilipinas 2022.
“Sana sa mga humihila sa akin pababa, hilahin ninyo na lang akong pataas. At isasama ko pa kayo,” sabi ni Hipon sa mga detractor niya.
Bukod sa pagiging komedyante, kilala na rin si Hipon bilang isang influencer. Million na ang followers niya sa kanyang vlog. Pero bakit sa kabila nito, ay gusto pa rin niyang maging isang beauty queen?
“Parang mas gusto kong palawakin ‘yung maiimpluwensahan ko. ‘Pag naging beauty queen ka kasi, mas marami kang tao na maiimpluwensyahan. Magiging inspirasyon ako para sa kanila sa mga pinagdaanan ko sa buhay, sa mga achievement ko,” sagot ni Nicole.
Sino ba ang nag-impluwensiya sa kanya para sumali sa Binibining Pilipinas?
“Si Sir Wilbert Tolentino, ang aking mentor, ang aking sponsor. Lahat talaga, as in, ginagawa niya para sa akin. Abangan ninyo sa vlog namin kung ano ang pinakarason kung bakit nakumbinsi niya ako na sumali sa Binibining Pilipinas,” sambit pa ni Nicole.