PINURI ni San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes ang nalagdaang batas para sa pag-amyenda sa Public Service Act (PSA) na aniya ay kailangan ng bansa para makabangon mula sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Bilang isa sa may-akda ng House Bill No. 78 na bersiyon ng Mababang Kapulungan sa pag-amyenda sa PSA, sinabi ni Robes, ang pagbubukas ng ilang mga industriya para maging pag-aari ng mga dayuhan ay higit pang makaaakit para sila mamuhunan sa ating bansa.
“Opening up some of our industries like telecommunications, railways, and airlines to full foreign ownership will attract investors which will in turn create more jobs for our countrymen spurring development in our country. This is what our country needs at this time when we are starting to recover from effects of the pandemic,” pahayag ni Robes.
Isa si Robes sa mga inimbitahan sa Malacañang nang lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) No. 11659 o ang “An Act Amending Commonwealth Act No. 146 na kilala bilang Public Service Act” noong nakaraang linggo na nagpapaluwag sa mga dayuhang mamumuhunan upang payagan silang maglagak sa lokal na negoyso ng 100 porsiyento ng kanilang puhunan.
Sa kabila nito, ilang mga industriya ang hindi sakop ng batas at hanggang 40 porsiyento lamang ang kanilang puwedeng ibuhos na puhunan tulad ng pamumuhunan sa distribusyon at transmission ng elektrisidad, pipeline transmission ng mga produktong petrolyo, water at wastewater pipeline distribution, kabilang ang sewage pipeline, mga daungan at pampublikong sasakyan.
Dahil sa bagong paraan ng pamumuhunan, sinabi ni Robes na inaasahang sa ilalim ng bagong batas, ang pagbaba ng halaga ng mga bilihin, pagpapabuti sa kalidad ng mga produkto at serbisyo at magpapakilala sa bagong pamamaraan na direktang magpapaangat sa ekonomiya at buhay ng bawat Filipino.
“I am proud to have been part of the momentous event that will bring us back on track towards economic recovery and growth,” dagdag ni Robes.