UMAKYAT na sa korte ang kasong concubinage na isinampa ng Kapuso actress na si Jelai Andres laban sa kanyang dating asawang si King Badger.
Nagpiyansa si Jon Gutierrez alyas King Badger nang magtungo ito sa Quezon City Regional Trial Court noong nakaraang linggo para sa kasong Concubinage at Violence Against Women (And Children).
Kinasuhan ni Jelai si King Badger last year dahil sa pakikiapid. Nagkaroon umano ng relasyon ang rapper at vlogger na si Jon sa ibang babae na noon ay menor de edad pa lamang.
Nasa hustong edad na sa kasalukuyan ang nasabing babae at balitang isinama na rin sa isinampang kaso ni Jelai.
“Ang kasal ay isang sakramento, ‘wag nating gawing normal ang pakikiapid,” ani Jelai sa isang interbyu noong nakaraang taon pagkatapos ihain angconcubinage case laban sa dalawa.
“Nawa’y maging isang leksiyon ito sa mga may mister na pasaway at sa mga babaeng walang pakundangang makipag-relasyon sa mga lalaking alam naman nilang may asawa,” giit pa ni Jelai.
“Nararapat lamang lang na makamit ni Jelai ang hustisya’t katarungan, sapagkat hindi naging madali ang pinagdaanan niya,” paliwanag ng abogado ni Jelai na si Atty. Faye Singson.
“Tunay ngang siya ay nahirapan, at matinding trauma ang naranasan niya dahil sa sakit na dulot ng nangyari sa kanila ni King Badger,” giit pa ng abogado.
Bukas ang pahayagang Hataw para sa pahayag ni ng dating miyembro ng Ex Battalion na si King Badger.