ISANG bala ang tumapos sa buhay ng isang retiradong sundalo nang barilin ng hindi kilalang suspek habang naghahapunan sa isang karinderya sa Brgy. South Triangle, Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District QCPD, namatay noon din dahil sa isang tama ng bala sa batok ang biktimang si Wilson Daniel, 57, retired enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), tubong Malangas, Zamboanga del Sur, residente sa Purok 10, Brgy. Militar, Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija.
Sa imbestigasyon ng QCPD Kamuning Police Station 10, na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Alex Alberto, dakong 11:45 pm nang barilin ang biktima sa isang kainan sa kanto ng Sgt. Esguerra at Sct. Madriñan sa Brgy. South Triangle.
Kumakain ang biktima nang lapitan ng suspek saka binaril sa batok at tumakas nang mabilis.
Narekober ng mga awtoridad mula sa dalang bag ng biktima ang isang kalibre .45 baril at ilang magazine na loaded ng mga bala, kutsilyo, radyo, AFP ID card, lisensiya, passport at ilan pang mahahalagang gamit gaya ng legal documents, cellphone, P2,900 cash at susi ng sasakyan.
Inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang. (ALMAR DANGUILAN)