ISANG babaeng human rights activist na nakabase sa Bacolod, ang pinaslang nitong Lunes ng gabi, ilang oras matapos ihimlay sa kanyang huling hantungan sa Metro Manila ang pinaslang din na NDF peace consultant na si Randall “Randy” Echanis.
Si Zara Alvarez, 39 anyos, ng Negros Island Health Integrated Program at dating political prisoner ay pinaslang sa Eroreco Village, Barangay Mandalaga, Bacolod City dakong 8:00 pm nitong Lunes, 17 Agosto.
Ang biktima ay sinabing isa sa madalas bansagang ‘pulahang aktibista’ sa Negros Island.
Noong 2018, ang kanyang pangalan at retrato ay kasama sa mga poster na ipinapaskil sa mga kalye sa Negros bilang isa sa umano’y ranking officials ng Communist Party of Philippines (CPP).
Si Alvarez ay naaresto noong 2012 at nakalaya sa pamamagitan ng piyansa noong 2014. Ibinasura ng korte ang mga kasong inahain laban sa kanya.
Kinompirma ni Julius Dagatan, media liaison ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros, na ang pinaslang ay si Zara Alvarez.
Sa pahayag ng Karapatan, sinabi nilang sila ay labis na nalulungkot at nagagalit sa pamamaslang kay Alvarez.
“Ngayong araw, inihimlay namin sa kanyang huling hantungan si Ka Randy Echanis, isa sa mga tumulong upang itatag ang Karapatan at masugid na nagsusulong ng kapayapaan at tagapagtanggol ng karapatan sa lupa. Ngayong gabi, isa na namang malungkot na balita ang aming natanggap, ang aming dating campaign and education director at paralegal sa Negros na si Zara Alvarez ay pinaslang sa Bacolod City,” pahayag ng grupo.
Nakulong si Alvarez sa loob ng halos dalawang taon. Nang siya ay lumaya, ipinagpatuloy niya ang kanyang trabaho sa Karapatan bilang paralegal, research at advocacy officer ng Negros Island Health Integrated Program, ayon sa grupo.
Isa umano si Alvarez sa 600 katao na nais ng Department of Justice (DOJ) na ideklarang terorista batay sa proscription case na inihain noong Pebrero 2018.