KAHIT gipit sa pondo, itinuloy ng komedyanteng si Ariel Villasanta ang pelikula nilang Kings of Reality Shows: The First Reality Movie of Ariel and Maverick with Mommy Elvie.
Ayon sa other half ng kalog na tandem na Ariel & Maverick, ayaw niyang pagsisihan sa bandang huli na hindi ito nagawa. Tribute niya rin daw ito sa mga struggling artist na tulad niya at sa pinakamamahal niyang ina.
“It’s about sa mga struggling artist na tulad ko. Na isinanla ko talaga ‘yung bahay ko para makompleto ang movie. This is dedicated to my mommy Elvie and all the struggling artists,” saad ni Ariel.
Dagdag niya, “Kahit anong mangyari, thankful ako, kasi ayaw ko sa lahat ‘yung regrets, e. Ayaw kong dumating iyong araw na nasa wheelchair na ako, tapos sasabihin ko, ‘Bakit hindi ko sinubukan?’ Anoman ang kahinatnan, maligaya na ako. At least I tried, but I still hope that moviegoers would spare time to watch it.
“Through this film, makikita n’yo yung other side nila as real people because it is not scripted, iyon ang gusto kong abangan nila rito.”
Anyway, sa pelikulang ito ay napagsama ni Ariel sina Pres. Rodrigo Duterte at former senator Antonio Trillanes, na first time lang nangyari.
Kabilang sa kaabang-abang na eksena sa pelikulang ito ni Ariel ang kina Pres. Digong, ex-Sen. Trillanes, Mayor Isko Moreno, Coco Martin, Mayor Sarah Duterte, boxing legend and Sen. Manny Pacquiao, Eddie Garcia, Joey de Leon, Jose Manalo, Empoy Marquez, Raffy Tulfo, at marami pang iba.
Mapapanod din dito ang Hollywood adventures at misadventures nina Ariel and Maverick.
Showing na sa November 27 ang Kings of Reality Shows: The First Reality Movie of Ariel and Maverick with Mommy Elvie na prodyus, isinulat, pinamahalaan at tinampukan ni Ariel. Isa itong kakaibang pelikula na maghahatid ng katatawanan, ngunit magpapaiyak din sa mga manonood.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio