SI Ogie Diaz ang isa sa producer at sumulat ng pelikulang Two Love You na showing na ngayon sa mga sinehan. Bida rito sina Yen Santos, Lassy Marquez, at Hashtag Kid Yambao.
“Idea ko po itong ‘Two Love You.’ Kuwento po ito ng pagmamahal ng isang bakla sa kanyang itunuring na kapatid na si Yen. Dito masusubok ang kanilang sisterhood kung mati-tempt ba si Yen, na ‘yung syota ng kanyang kuya-kuyahan ay madadale rin ba niya. At mayroon din po ritong kuwento ng totoo kong buhay na inilagay ko rito. Kayo na po ang tumuklas kung ano ‘yun,” ani Ogie tungkol sa Two Love You.
Sinabi ni Ogie ang dahilan kung bakit sina Yen, Kid, at Yassy ang kinuha niyang bida sa Two Love You.
“Si Yen po kasi, nakasama ko siya rati sa seryeng ’Mutya’ at naging close na kami simula noon. At kontrobersiyal siya dahil sa serye nilang ‘Halik.’ Si Lassy naman, alam kong kaya niyang gawin kahit kaunting Ogie Diaz doon sa pelikula. Kaya niyang magmahal ng babae. Kaya niyang makipag-sex sa babae, na nae-excite na siya na gusto na rin niyang subukan sa tunay na buhay. Basta ituro ko lang kung paano ang tamang pagpasok… ng mga eksena,” natatawang sabi pa ni Ogie.
“Tapos si Hashtag Kid naman, alam kong barakong-barako siya kahit mahaba ang hair. Alaga ko po siya, talent po siya ng OgieD Talents. Kaya siyempre, siya na ang kinuha kong bidang lalaki.”
Dahil malalapit kay Ogie ang mga kinuha niyang artista sa Two Love You, kaya hindi siya siningil ng mga ito ng malaking talent fee. At tumawad pa nga siya.
“Kung alam ninyo lang kung paano ko tinawad-tawaran ang talent fee ng mga artista ko. Alam ko ang talent fee nila, pero tumawad ako dahil first time ko naman at hindi naman ako malaking producer.”
Kasama rin sa Two Love You sina Arlene Muhlach, MC Calaquin, at Dyosa Pockoh. Mula ito sa direksiyon ni Benedict Mique.
MA at PA
ni Rommel Placente