HINDI lang si Ogie Diaz ang humanga sa galing umarte nina Lassy at MC Calaquian sa pelikulang Two Love You na idinirehe ni Benedict Mique at iponrodyus ng Ogie D Productions, Lone Wolf Productions at ini-release ng Viva Films.
Maging kami’y napahanga ng dalawa. Hindi lang pala sila mahusay sa pagpapatawa, maging sa pagda-drama carry nila.
Bagamat hindi naman puro iyakan ang Two Love You, naaliw pa rin kami sa pagpapatawa ng pelikula. Nakaka-convince sina Lassy at MC sa ginawa nilang pagda-drama. Kasi naman may kurot sa puso ang kuwento bukod sa may moral lesson ang pelikula.
Tiyak na marami ang makare-relate sa Two Love You lalo’t may mga relasyon na rin namang ganoon ang nangyari, bakla sa babae, bakla sa lalaki etc.
Magkaibigan sina Yen Santos at Lassy na mayroong parlor na laging tinatambayan ni Yen. Madalas mabigo si Lassy sa pag-ibig at madalas ding tumulong sa mga nakakarelasyon. Siyempre pa ang bestfriend niyang si MC ang tagapigil kapag OA na sa pagtulong si Lassy. Nagkataong na-inlove agad si Lassy kay Kid Yambao sa unang pagkikita pa lamang nila. As usual, tinulungan ito ni Lassy, pinag-aral hanggang sa nagkaroon ng trabaho. Hindi naman sinasadyang nagkagustuhan din sina Yen at Kid. At siyempre nagkaroon ng problema ang pagkakaibigan nina Lassy at Yen.
Umalis si Kid at naiwan sina Yen at Lassy na bagamat may hindi pagkakaunawaan ay nagkapatawaran din paglaon. Nangailangan ng tulong si Yen at si Lassy pa rin ang tumugon athindi inakalang mauuwi na pala sa pagmamahal ang ginagawang pagtulong.
Maayos na nailahad ang istorya ng magkakaibigang nagkatalo sa pag-ibig. Kung gusto ninyong maaliw at the same time ay maiyak, watch ninyo ang pelikulang Two Love You na palabas na rin ngayon.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio