AMINADO ang Kapuso actress na si Sanya Lopez na magkahalong kaba at excitement ang naramdaman nang nalamang makakatrabaho ang Superstar na si Nora Aunor para sa pelikulang Isa Pang Bahaghari. Ito ang unang pagkakataon na makakasama ni Sanya ang premyadong aktress.
Ayon kay Sanya, isang malaking karangalan sa kanya na makatrabaho ang People’s National Artist dahil noon pa niya ito pinangarap.
Pag-amin ni Sanya, “Umpisa pa lang talaga sobrang na-excite po ako at hindi po ako makapaniwala untill now. Kinakabahan din ako kasi alam kong magaling siyang umarte, alam kong magagaling lahat ng kasama ko… So, magkahalong kaba at takot po… pero nang magsama kami ni Ms. Nora sa storycon ay naging at ease na po ako sa kanya. Ang bait-bait po niya kasi. Kaya I’m very grateful talaga na maging part ng pelikulang ito.”
Pahabol pa ng aktres, “Sa ngayon ay binasa ko muna po ang buong script at napakaganda ng kabuuan ng istorya. Kahit ‘yung mga eksena po namin ni Ms. Nora ay matitindi dahil ang role po namin ay mag-ina kaya madalas po kaming magkaeksena rito.”
Gagampanan ni Sanya ang role ni Dolly, ang pinaka-batang anak nina Nora at Phillip Salvador sa naturang pelikula.
Mula sa pamamahala ng batikang direktor na si Joel Lamangan, tampok din dito sina Michael de Mesa, Zanjoe Marudo, Sanya Lopez, Joseph Marco, Albie Casiño, Maris Racal, Migs Almendras, Lloyd Samartino, Hero Bautista, Fanny Serrano, Jim Pebanco, Shido Roxas, Marie Preizer, at iba pa.
Ang Isa Pang Bahaghari ang ika-anim na pelikula nina Direk Joel at Ms. Aunor. Ang unang tandem nila ay sa The Flor Contemplacion Story, na sinundan ng Muling Umawit ang Puso, Bakit May Kahapon Pa, Sidhi, at Hustisya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio