NALAPNOS ang puwet ng isang babae nang mapaupo sa kaldero ng bagong lutong sinaing sa gitna ng pag-aaway nila ng kinakasama sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.
Ginamot sa Valenzuela City Medical Center (VMC) ang biktimang si Lucy Mallari, nasa hustong gulang, residente sa #17 Pacheco Drive, Brgy. Dalandanan ng nasabing lungsod.
Kasong frustrated homicide ang kinakaharap ng live-in lover nitong si Rollie Masing Malana, alyas Lando, sanhi ng pananaksak sa kinakasama.
Dakong 7:20 pm, nagtalo ang suspek at biktima dahil sa selos at nagsalita ang lalaki na papatayin ang bebot ngunit ipinagkibit-balikat lamang ito ng biktima.
Lingid sa kaalaman ng babae, armado na ng patalim ang suspek at pagharap niya rito ay itinulak ng biktima dala ng pagkabigla ngunit siya naman ang nawalan ng panimbang at lumagpak ang puwet sa umuusok na kaldero ng bagong lutong sinaing.
Nang naghihiyaw sa hapdi ang biktima at inundayan pa ng saksak ng suspek na tinamaan sa hita hanggang magbuno ang dalawa at maagaw ng babae ang patalim.
Itinapon ng babae ang patalim saka humahangos na humingi ng tulong na nagresulta sa pagkaaresto ni Malana.
ni ROMMEL SALES