WALA bang alam na ibang paraan ang Food and Drug Administration (FDA) kundi ang manakot at mangdahas ng mga doktor na nakatutulong sa maraming pasyente sa pamamagitan ng alternatibong medisina?!
Isa ang kilalang si Dr. Farrah Agustin-Bunch na may klinika sa lalawigan ng Tarlac ang hindi nakaligtas sa ‘mala-berdugong’ pag-atake ng mga kinatawan ng awtoridad mula sa FDA kasama ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (DILG).
Nagulantang si Dr. Farrah at ang kanyang mga kalugar nang bigla silang ‘lusubin’ ng mga kinatawan ng nasabing mga ahensiya.
Pinagbantaan si Dr. Farrah ng mga kinatawan ng nasabing ahensiya na kung hindi isasara ang kanyang klinika ay babawian siya ng lisensiya bilang doktor.
Lumaban muna si Dr. Farrah. Ayaw niyang magsara ng klinika dahil sa mga pasyenteng umaasa sa kanya at sa kanyang klinika.
Pero pinagbantaan siya ng mga nasabing awtoridad at ‘ikinulong’ sa burukratang mekanismo at argumento.
Ibig sabihin, ‘ibinangga’ sa umiiral na mga batas pabor sa malalaking multinational pharmaceutical drug cartels at maiimpluwensiyang medical societies ang kanyang alternatibong medisina na marami na ang napagagaling.
Ano ang magagawa ng isang doktor na nagpapraktis ng panggagamot sa pamamagitan ng alternatibong medisina laban sa ganito kalaking puwersa ng impluwensiya at salapi?!
Sa huli, walang nagawa si Dr. Farrah kundi ang magsara ng klinika.
At sa kasalukuyan ay inaasahan niyang mabibigyan siya ng konsiderasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan lalo ng Department of Health (DOH) at FDA upang muling makapagbukas ng klinika nang sa gayon ay hindi makompromiso ang kalagayan ng kanyang mga pasyente.
Ang ipinagtataka natin sa pamahalaan, kapag mayroong nababalitaang gaya nito, ay hindi gumagawa ng paraan kung paano mapauunlad at mapoproteksiyonan ang mga henyo sa ating lipunan.
Sa halip, nagiging instrumento pa sila para gipitin ang mga kagaya ni Dr. Farrah.
Health Secretary Francisco Duque III, Sir, alam ninyong umuunlad ang pagtuklas ng mga alternatibong medisina sa ating bansa, wala ka bang gagawing paraan para proteksiyonan ang mga henyong ang puso ay nasa tunay na esensiya ng panggagamot at medisina?!
Wala ba kayong gagawin kundi ang ayudahan ang mga nanggigipit at pabayaan ang mga nagsisikap makapaghatid ng murang gamot at maayos na panggagamot sa ating bansa?!
Alam ba ninyong sa ibang bansa ay laging bukas ang kanilang pamahalaan sa mga tradisyonal at alternatibong panggagamot?!
Kilos naman, Secretary Duque!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap