INONSE ng media outfit ABS-CBN si Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng 2016 presidential election campaign.
Imbes isahimpapawid ang political advertisement ni noo’y presidential candidate Duterte, tinanggap lang ng ABS-CBN ang bayad niya ngunit hindi ini-ere ang kanyang anunsiyo at hanggang ngayo’y hindi pa ibinabalik ang pera.
Ito ang himutok ni Pangulong Duterte sa ABS-CBN network na pagmamay-ari ng pamilya Lopez na aniya’y oligarch.
“I have said a mouthful against ABS-CBN sabi ko abangan n’yo ako sa labas putang-inang mga oligarch ‘yan, alam n’yo ba ‘yang ABS-CBN nagbayad ako kasi nagkapera ako no’ng last days na lumakas na ang survey I was hitting 32,” aniya sa ambush interview sa Western Command.
“Everybody was giving me money one of those who offered money si Lucio Tan, I did not accept it, bumili ako propaganda tayo ‘yung putang inang ABS-CBN na ‘yan tinanggap nila pera ko, they never showed mine. Hanggang ngayon wala namang offer to reimburse or return the money ganoon kawalanghiya ‘yung mga putang inang oligarchs na ‘yan,” gigil na wika ng Pangulo.
Kuwento ng Pangulo, imbes iere ang binayaran niyang political ads, ang black propaganda laban sa kanya ni Sen. Antonio Trillanes IV ang ipinalabas ng ABS-CBN gamit ang mga bata kaya naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang hukuman laban dito.
“May TRO sinabi ng court do not show it ‘yung mga batang ginamit ni Trillanes which is really against the law ‘yung ginamit nila mga bata ‘wag ‘yan kaso you know that is child abuse that is why a TRO only ABS-CBN ang hindi naniwala ok lang ‘yan. Tinanggap ‘yung pera ko ‘di naman pinalabas na short propaganda ko nabili baka makatulong,” anang Pangulo.
Matatandaan, hiniling ni Sen. Alan Peter Cayetano ang TRO matapos iere ng ABS-CBN ang isang bayad na anti-Duterte advertisement ni Trillanes na nagpakita ng pagmumura nito pati ang kontrobersiyal na rape joke na may kasamang mga bata.
(ROSE NOVENARIO)