ULTIMO ba naman sa pagpapalibing kay yumaong dating Pang. Ferdinand E. Marcos ay gustong itanghal na bida ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada ang kanyang sarili.
Pero bakit kung kailan tapos nang magpasiya ang Korte Suprema sa issue ay saka lamang tumahol at nagmagaling si Erap na kesyo sang-ayon siyang mailibing si FM sa Libingan ng mga Bayani (LNMB)?
Sabi nga, “Tell it to the Marines!”
Ang tawag diyan ay credit grabbing o pagnanakaw sa karangalan ng iba.
Kung may dapat hangaan sa pagpapalibing kay FM sa LNMB, ‘yan ay si Pang. Rody Duterte lamang, na bukod sa ‘palabra de honor’ na marunong tumupad sa kanyang ipinangako ay may ‘political will,’ dalawang katangian ng mabuting lider na parehong wala si Erap.
Bago pa ang halalan ay ipinangako na ni PDU30 na kanyang papayagang mailibing si FM sa LNMB.
Sa mga sinundang pangulo ni PDU30, kabilang si Erap sa mga hindi pumayag na mailibing si FM sa LNMB.
Alalahanin nating mahigit dalawang taon ang inubos na panahon ni Erap sa pandarambong habang nasa puwesto bago siya napatalsik sa Malacañang at noon ay binalewala niya ang hiling ng pamilya Marcos na mailibing ang yumaong pangulo sa LNMB.
Si PDU30 ay mahigit 100-araw pa lang nakaupo sa Palasyo pero inunang tuparin ang pangakong ipalilibing si FM sa LNMB.
Kaya maliwanag na hindi totoo ang sinasabi ni Erap at malaking kasinungalingan na suportado niya ang pagpapalibing kay FM sa LNMB.
SUSPENDIDO NA SI JV SA SENADO
MAG-ASAWANG sampal na ang inaabot ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III sa dalawang magkahiwalay na issue ng pagpapalibing kay FM sa LNMB at sa 90-days preventive suspension order (PSO) laban sa anak ni Erap kay San Juan city Mayor Guia Gomez na si Sen. Joseph “JV” Ejercito.
Kamakailan ay inatasan ng Korte Suprema si Pimentel na ipatupad ang PSO ng Sandiganbayan Fifth Division laban kay JV kaugnay sa maanomalyang pagdispalko sa 2.1 million calamity fund ng San Juan noong 2008.
Si JV ang alkalde noon ng San Juan nang pagsabuwatanan nila ng iba pang kasamahan niyang opisyal ng lungsod na salamangkahin ang naturang pondo imbes gamitin sa sakuna at kalamidad ay ginamit sa pagbili ng mga baril.
Una nang tinanggihan ni Pimentel na ipatupad ang kautusan ng Sandiganbayan at parang bola na ipinasa sa Committee ni Sen. Vicente “Eat Bulaga” Sotto para pag-aralan kung ipatutupad o hindi.
Sabi ng SC, tama ang Sandiganbayan at hindi inabuso ng anti-graft court ang kanilang kapangyarihan sa PSO na ipinataw laban kay JV.
Akala siguro ni JV, pagbibigyan ang mga hirit nilang mag-aama kay PDU30 na baluktutin ang rule of law.
Una nang napahiya si Erap matapos tanggihan ni PDU30 ang pakiusap na pagpapalaya kay Jinggoy.
Malamang na ang kaso ni JV sa Sandiganbayan ang pakay ng kanyang pagsama sa nakaraang biyahe ni PDU30 sa bansang Japan kamakailan.
Kapag inilarga ni PDU30 ang kampanya kontra katiwalian, puwedeng-puwede na niyang unahin ang angkan ni Erap.
Saan ka naman nakakita ng mag-aama na pare-parehong pagnanakaw ang kaso?
Maging ang ina ni JV na si Mayor Guia ay may kinakaharap din na mga katulad na kaso.
Tablado rin ang hirit ng mag-amang Pimentel kay PDU30 na ‘wag ituloy ang desisyon nitong ipalibing si FM sa LNMB.
Bago tumulak patungong Thailand at Malaysia, nanindigan si PDU30 na walang batas na humahadlang sa paglilibing kay FM sa LNMB.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
KALAMPAG – Percy Lapid
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com