INAMIN ng aktor na si Zanjoe Marudo na noong nagsimula siya sa Tubig at Langis ay talagang hirap siya dahil kabi-break lang nila noon ni Bea Alonzo.
At pagkalipas ng ilang buwan ay heto at blooming na si Zanjoe kaya iisa ang tanong sa actor, kung naka-move on na siya?
“Hindi ko alam. Actually, hindi ko naman masasabi ‘yun, eh, na ‘uy, naka-move-on na ako’, hindi, eh. Hindi ko alam, eh. Ewan ko, baka. Kasi sinasabi n’yo nga na mukha namang okay naman ako.
”oong simulan ko ‘to, medyo hindi ako okay. Last year. Kaya nagpapasalamat ako sa kanilang lahat ng cast na nandiyan, naka-suporta lang sa akin, na alam mo ‘yun, pilit akong pinasasaya, inaaliw. Hanggang siyempre, wala na.
“Pinagdaraanan naman ‘yun, eh. So, kaya nga pinagdaraanan, ibig sabihin, nalalagpasan, dadaan lang siya.
“So, nakatutuwa na ayun, matatapos ang show namin na masaya kami lahat, positive and ang daming mga blessing na dumarating,” kuwento ng aktor.
Kumusta naman ang puso ngayon ni Zanjoe, ”ang estado ng puso ko ngayon, siguro, masasabi ko, masaya, masayang-masaya ako ngayon. And ayokong i-pressure ang sarili ko sa kahit anong bagay dahil sa ngayon, committed ako sa sarili ko, sa trabaho, sa family.”
At kumusta naman sila ni Bea? ”Hindi ko puwedeng sabihin na kasi, siyempre, hindi naman na kami nag-uusap, hindi na kami nagkikita, pero feeling ko, okay naman kami. ‘Pag nagkikita kami sa mga event, okay naman kami nagpapansinan naman kami. Friends, parang ganoon, normal,” kaswal na sabi ng binata.
Natanong si Zanjoe pagkatapos ng Q and A tungkol kina Bea at Gerald Andersonna nagkakamabutihan na raw.
“ Hindi ko alam, eh. Pero, mabuti, ‘di ba? Mabuti para kay Bea, mabuti para sa kanila. At least ngayon, mas open na, mas mae-express na nila ‘yung kung anumang nararamdaman nila. Kung mayroon man talaga,” pahayag ng aktor.
FACT SHEET – Reggee Bonoan